Tiniyak ni House Speaker (HS) Bojie Dy III na nakahanda ang House of Representatives (HOR) na tulungan ang mga Pilipino sa gitna ng pandaigdigang krisis na nagaganap sa kasalukuyan.
Sa isang pahayag na ibinahagi ng Office of the House Speaker nitong Lunes, Marso 9, inilahad ni Dy na nauunawaan nila ang takot na dala ng nasabing isyu sa mga mamamayang Pilipino.
“Mga minamahal ko pong kababayan, sa mga nagdaang araw, nasasaksihan natin ang patuloy na tensyon at digmaan sa Middle East. Bagama’t malayo ito sa ating bansa, alam nating ang mga ganitong pangyayari ay may epekto sa buong mundo—lalo na sa ekonomiya at sa pagtaas ng presyo ng langis, na direktang nararanasan ng bawat pamilyang Pilipino,” saad ni Dy.
Aniya, “Nararamdaman po namin na mayroon tayong takot at pangamba, dahil kapag tumaas ang presyo ng langis, kasunod nito ang pagtaas ng pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.”
“Dama po natin lahat ito—ng mga manggagawa, ng mga magulang na nagtatrabaho para sa kanilang pamilya, at sa bawat Pilipinong nagsisikap mabuhay nang may dangal,” dagdag pa niya.
Giit pa ng House Speaker, hindi umano tumitigil ang Kamara na magtrabaho upang masigurong napangangalagaan pa rin ang kapakanan at interes ng taumbayan.
“Sa kabila nito, nais ko pong ipabatid na hindi po kayo nag-iisa sa pagharap sa mga hamong ito. Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay patuloy na ginagampanan ang mandato nitong pangalagaan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino,” anang House Speaker.
“Kasama po ang aking kapwa mambabatas, at ng iba’t ibang komite, kami po ay walang humpay na magsusulong ng mga priority bills, at mga hakbang na makakatulong upang mapagaan ang epekto ng mga pandaigdigang krisis sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Tiniyak pa ng Kamara na sila ay makikipag-ugnayan sa ehekutibo upang mabigyang-solusyon ang kinakaharap na krisis sa enerhiya ng bansa—bunsod ng giyera sa Gitnang Silangan.
Vincent Gutierrez/BALITA