Pumanaw na ang batikang aktor na si Robert Arevalo, na may tunay na pangalang Robert Francisco Ylagan, nitong Huwebes, Agosto 10, sa edad 85.
Kinumpirma ito ng anak ni Arevalo na si Anna Ylagan sa pamamagitan ng isang Facebook post.
“Today is the day that the Lord has chosen to take our dearest Papa home,” ani Ylagan sa kaniyang post.
Ayon kay Ylagan, namaalam ang kaniyang ama dakong 10:17 ng umaga kanina.
“Praise God for His mercy and grace. We are grateful that He has given us the best Papa one can ever wish for,” ani Ylagan.
“Thank you for loving us the way you did, Pa. Although our hearts are broken, we are comforted by God’s promise that He has a place reserved for you in His kingdom in Heaven where all of us who believe in His son, Jesus, will one day reunite,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Ylagan sa kaniyang post ang mga detalye ng lamay ng kaniyang ama, na gaganapin umano sa Arlington Chapels, Araneta Avenue mula sa darating na Sabado, Agosto 12 hanggang Linggo, Agosto 13.
Bilang isang beteranong aktor, nakasama si Arevalo sa iba’t ibang mga pelikula at teleserye sa telebisyon, kabilang na ang Kapamilya hit seryeng “FPJ’s Ang Probinsyano.”