Bahagi ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos ang tungkol sa kalusugan kung saan sinabi niyang libre na ang dialysis. 

Hindi na umano kailangang mag-alala ng mga kapus-palad na Pilipino na sumasailalim sa dialysis dahil libre na ito sa ilalim ng administrasyon ni Marcos. 

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nabanggit ng pangulo na mula sa 90 libreng dialysis session ay umakyat na ito sa 156.

“Upang mas lalo pang makatulong sa mga pasyente, ang dating siyam-napung libreng dialysis sessions ay inakyat na natin sa isandaan at limampu’t anim. Mga kababayan, libre na po ngayon ang dialysis para sa karamihan ng Pilipino,” ani Marcos nitong Lunes, Hulyo 24.

Samantala, binigyang-diin ni Marcos na mahigit 3.4 milyon na Pilipino ang nakatanggap ng health assistance sa pamamagitan ng Medical Assistance for Indigents Patients (MAP) program ng Department of Health.

Bukod dito, trinatrabaho na rin umano ng gobyerno ang problema sa kakulangan ng doktor at nars sa bansa.

“Tinutugunan natin ngayon ang ating kakulangan sa mga doctor at mga nurse, sa pamamagitan ng mga reporma sa edukasyon, patuloy na pagsasanay, at paniniguro sa kanilang kapakanan,” anang pangulo.

Sinigurado rin ng punong ehekutibo na ibibigay rin ng gobyerno sa mga healthcare workers ang mga nakabinbin na Covid health emergency allowance at iba pang benepisyo.

“Upang masuklian naman ang naging sakripisyo ng ating mga health workers sa pribado at pampubliko na mga ospital noong nakaraang pandemya, ipapamahagi na sa kanila ang kanilang Covid health emergency allowance at iba pang mga nabinbing benepisyo,” dagdag pa niya. 

Kaugnay na Balita: Marcos, sinabing bumaba ang presyo ng bilihin, nais palawigin ang Kadiwa