Presyo ng petrolyo, tataas sa Martes
Posibleng umabot sa ₱2 na dagdag sa presyo ng produktong petrolyo ang inaasahang ipatutupad sa Martes, Hulyo 18.
Sa panayam sa telebisyon, ipinaliwanag ni Leo Bellas, presidente ng Jetti Petroleum, resulta lamang ito ng plano ng Russia na magbabawas ng suplay ng produktong petrolyo.
Inaasahang tataas ng hanggang ₱2 ang idadagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina at diesel.
Madadagdagan naman ng mula ₱1.70 hanggang ₱1.90 ang presyo ng bawat litro ng kerosene.
Kamakailan, tiniyak ng Russia na magbabawas sila ng 500,000 barrels per day na suplay ng langis sa Agosto.
Hindi isinapubliko ng Russia ang dahilan ng kanilang hakbang.
Kabilang ang Russia sa top exporter ng produktong petrolyo sa buong mundo.