Muling nahalal bilang pangulo ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) si Bishop Pablo Virgilio David ng Diocese of Kalookan nitong Sabado, Hulyo 8. 

Ayon sa CBCP, nangyari ang muling paghalalal kay Bishop David, 64, sa unang araw ng 126th plenary assembly ng CBCP nitong Sabado sa Marzon Hotel sa Kalibo, Aklan na dinaluhan ng tinatayang 80 obispo.

Muling magsisilbi nang dalawang taon ang obispo bilang pangulo ng CBCP sa kaniyang ikalawa at huling termino.

Nakilala rin si Bishop David sa kaniyang panawagan sa mga Katoliko na manindigan sa katotohanan, sa gitna ng tinatawag niyang “pandemic of lies”, lalo na umano sa social media.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa isang kamakailang pahayag, umapela rin siya para sa "isang mas seryosong aksyon" laban sa krisis sa klima, at para sa mga institusyon ng simbahan na maging kaisa sa pagdedeklara ng state of emergency.

Samantala, ayon pa sa CBCP, muli ring nahalal bilang vice president ng CBCP si Bishop Mylo Hubert Vergara, 60, ng Diocese of Pasig sa naturang ginanap na plenary session.

Unang nahalal ang dalawang obispo sa kanilang mga posisyon noong Hulyo 2021,

Dahil sa krisis sa kalusugan noong panahong iyon dala ng Covid-19 pandemic, naganap ang kanilang halalan sa online plenary assembly, ang una sa kasaysayan ng CBCP.

Binubuo ang CBCP ng 87 mga aktibong obispo, tatlong diocesan administrators, at 43 retired bishop honorary members.