Naging emosyunal ang dating Kapamilya-turned-Kapuso comedy star na si Pokwang matapos makatuntong ulit sa ABS-CBN building, para sa paghahanda niya sa opening production sa grand launch ng "It's Showtime" sa GTV channel ng GMA Network, Hulyo 1.

Ibinahagi ni Mamang Pokie na pagkatapos ng kaniyang shooting na natapos ng 4:00 ng madaling-araw, kahit walang tulog ay diretso siya sa ABS-CBN para maghanda na sa bonggang-bonggang produksyon.

Isa siya sa Kapuso stars na nakasama sa unang araw ng pag-ere ng Showtime sa GTV.

Ibinahagi rin ng komedyante ang kaniyang video habang naluluha siya sa loob ng kaniyang dressing room. Tila nanariwa raw kay Pokwang ang ilang mga alaala, dahil alam naman ng lahat na nagsimula ang career niya sa Kapamilya Network.

Eleksyon

Diwata, nabudol nga ba ng sinalihang party-list?

Sa kaniyang Instagram post, nagpahayag ng kasiyahan sa Pokwang na naging bahagi siya ng makasaysayang araw na ito.

"So happy na naging part ako ng napakasayang kaganapang ito ngayong araw 7/1/2023 @itsshowtimena @gtvphilippines @gmanetwork masaya akong makita at mayakap muli ang mga taong bahagi ng aking karera bilang mamang ng bayan sa industriya," anang Pokie.

"Masaya akong makita na nagkakaisa both @gtvphilippines @abscbn @gmanetwork para makapaghatid ng saya sa bawat Pilipino sa huli," dagdag pa ni Pokwang, na may hashtags na #Pilipinoviewersangpanalo, #todayishistory, at ang opisyal hashtag ng It's Showtime ngayong araw na #GnaGsaShowtime.

Sa iba pang larawan, makikitang niyakap at muling nakaharap ni Pokwang ang mga dating boss na sina Star Magic head Direk Laurenti Dyogi at ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak.