Ibinahagi ng United States Embassy in Manila nitong Lunes, Hunyo 5, ang larawan ng isang Progress Pride Flag na naka-display sa kanilang gusali bilang simbolo umano ng kanilang pagtindig at pagsuporta sa LGBTQI+ community ngayong Pride Month.
Sa isang Facebook post nitong Lunes, ipinahayag ng Embahada na “proud” sila sa pag-display ng Progress Pride Flag para sa buwan ng Hunyo dahil kasama raw sila sa pagdiriwang ng “diversity, love, and equality #WithPride.”
“Your voices matter, and we are here to support you. #PrideMonth,” saad ng US Embassy.
Nagpahayag din ng suporta si US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa LGBTQI+ community sa kaniyang Twitter post.
“We at @USEmbassyPH are proud to display the Progress Pride Flag as a symbol of our steadfast support for the LGBTQI+ community,” ani Carlson.
“Together, we persist in the fight for equality and acceptance. #PrideMonth #WithPride,” dagdag niya.
Ang naturang Progress Pride Flag, na binuo noong 2018 ng non-binary American artist at designer na si Daniel Quasar, ay nakabatay umano sa iconic na rainbow flag mula 1978.
Kumakatawan sa LGBTQI+ community ang mga kulay ng bahaghari. Samantala, ang pagdaragdag ng limang bagong kulay naman ay kumakatawan sa higit pang pagkakaiba-iba ng komunidad—itim at kayumanggi para sa mga “people of color”, habang ang kulay pink, mapusyaw na asul at puti ay kumakatawan naman umano sa trans, gender non-binary, intersex, at ang mga nasa gender spectrum.