Pansamantala munang pinagpahinga ng GMA management ang komedyanteng si Norman Balbuena o mas kilala bilang "Boobay" sa show nila ni Tekla na "The Boobay And Tekla Show" o TBATS.

Ayon sa ulat ng PEP, gustong makatiyak ng management na fit to work na si Boobay at hindi na mauulit ang silent seizure na nasaksihan ng mga Kapusong tagasubaybay ng "Fast Talk with Boy Abunda" kung saan ito naganap.

Mabuti na lang at naging maagap si Boy Abunda nang mapansin niyang kakaiba ang kilos ni Boobay kaya agad siyang lumapit dito at inalalayan. Nagkaroon din kaagad ng commercial break sa show.

Boy, may update tungkol kay Boobay; komedyante, nagka-silent seizure pala

Pinatotohanan pa ng dating karelasyon ni Boobay na may mga ganitong episodes nga ang komedyante.

Mas prayoridad daw ng pamunuan ang mabuting kalusugan ni Boobay, at dahil dito, pansamantala munang papalit sa kaniya ang Kapuso comedian na si Buboy Villar.

Saka lamang daw makakabalik si Boobay kapag inirekomenda na ng medical doctor niya. Sa ngayon, under medication pa rin ang komedyante upang hindi na maulit ang mga nangyari sa kaniya; mahirap nga naman kung mangyari pa ito sa ibang shows, at worst, baka lumala pa ang mangyari sa kaniya.

Speaking of Buboy, maayos naman daw nitong nagampanan ang posisyon ni Boobay sa show kaya walang dapat ipangamba ang komedyante na baka makaapekto sa viewership ang pansamantala niyang pamamahinga. Sa katunayan, puring-puri si Buboy ng production staff dahil nag-click daw sila ni Tekla.