Kumpiyansa ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na higit pang makapagbibigay ng mas mahusay na serbisyo sa publiko sa mga susunod na buwan dahil sa inaasahang higit pang paglaki umano ng kanilang kita.

Ito’y matapos na mangako si Philippine National Police (PNP) chief PGen. Benjamin Acorda Jr. na maglulunsad ng mas pinaigting na crackdown laban sa illegal gambling operations sa bansa.

Nabatid nitong Miyerkules na ginawa ni Gen. Acorda ang pangako nang makipagpulong kay PCSO General Manager Mel Robles noong Sabado.

Sa isang kalatas ng PCSO, napag-alamang tiniyak ni Gen. Acorda kay GM Robles na istrikto nilang ipapatupad ang one-strike policy laban sa mga police commanders na mabibigong patigilin ang illegal gambling activities sa kani-kanilang areas of responsibility.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Sa kanyang panig, nagpahayag naman ng labis na pasasalamat si GM Robles para sa suporta at commitment ng bagong PNP chief sa kampanya ng PCSO laban sa illegal gambling.

Ipinaliwanag ni GM Robles na ang tuluy-tuloy na operasyon ng illegal na sugal ay labis na nakakaapekto sa kakayahan ng ahensiya na kumita pa ng mas malaki, dahil malaking bahagi nito ang napupunta sa mga kamay ng mga illegal gambling operators.

“In turn, those losses deprive poor Filipino citizens of the health care and other benefits that the PCSO provides,” ayon pa kay GM Robles.

Sa nasabi ring pulong, nanawagan si GM Robles sa publiko na ang tangkilikin lamang ay ang mga PCSO-sanctioned games gaya ng Lotto, Scratch-It at Small Town Lottery upang makatulong sa pagpondo ng iba’t ibang social welfare programs ng ahensiya, at magkaroon pa ng pagkakataong magwagi ng malalaking papremyo.

Tiniyak din naman ni GM Robles na ang lahat ng PCSO games ay isinasagawa nang may pinakamataas na antas ng transparency at accountability.

“The agency is working hard to remain a socially responsible organization that provides assistance to the most vulnerable members of society,” dagdag pa niya.

Upang makatulong sa PCSO na maipagpatuloy ang kanilang mahalagang humanitarian work, pinapayuhan rin ang publiko na isumbong ang anumang illegal gambling operations sa mga concerned local authorities at sa mga tanggapan ng PCSO.

Binalaan naman nina Gen. Acorda at GM Robles ang mga gambling operators na mahaharap sa mabigat na parusa sa ilalim ng batas kung hindi ititigil ang kanilang mga ilegal na aktibidad.

Ang PCSO ay ang principal agency na naatasan ng pamahalaan na lumikom at magkaloob ng pondo para sa kanilang mga major health programs, medical assistance at services, at charities of national character.