Target ng Department of Health (DOH) na maabot ang 95% coverage sa isinasagawang nationwide supplemental immunization campaign upang mabakunahan ang mga bata laban sa tigdas, polio at rubella.

Ito, ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ay upang maabot ang ninanais na herd immunity.

"95% coverage is needed in order for us to attain herd immunity. Ito ‘yung isang phenomenon based on science, na kapag na-achieve mo ‘yung pagpapabakuna ng 95% of your population, yung 5% kahit hindi sila bakunado, they would be provided with that immunity also," paliwanag pa ni Vergeire, sa isang pulong balitaan nitong Martes.

Binigyang-diin pa ni Vergeire na kung hindi makamit ng pamahalaan ang herd immunity sa 95%, mananatili aniya ang posibilidad na magkaroon ng outbreak ng mga naturang karamdaman.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Kasi itong mga hindi nababakunahan, they become the pull of susceptible, sila ‘yung vulnerable na magkakasakit sila, at madali nilang maipanghahawa sa mga hindi pa rin bakunado," dagdag pa niya.

Nabatid na pinakilos na ng DOH ang kanilang mga regional units, at nakipag-ugnayan sa mga local governments, at pribadong sektor para maging matagumpay ang naturang kampanya.

Aniya pa, base sa kanilang isinagawang pag-analisa, sa nakalipas na limang taon ay nasa isa mula sa tatlong bata, ang hindi nakatanggap ng measles vaccine, dahil ang range lang aniya ng kanilang accomplishment para sa measles at rubella vaccine ay nasa 58 – 73% lamang.

“So, marami parin sa ating mga kabataan ang hindi pa rin nakakatanggap ng kanilang bakuna, so having said that yung posibilidad na magkaroon ng outbreak, ay laging nandyan," aniya pa.

Tinukoy pa ni Vergeire na noong 2019, mahigit 600 bata ang namatay dahil sa outbreak kaya’t higit pa nilang pinaigting ang pagbabakuna sa mga bata.

Ang supplemental immunization activities para sa mga bata ay sinimulan nitong May 1 hanggang 31 sa ilalim ng “Chikiting Ligtas 2023" program.