Ibinahagi ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes, Abril 28, na tinatayang 496 mga Pilipino sa bansang Sudan ang nailikas na ng pamahalaan ng Pilipinas sa gitna ng 72-oras na ceasefire doon.

Mahigit sa kalahati umano ito mula sa 700 nagparehistrong mga Pilipino sa Khartoum, ang capital city ng Sudan kung saan nangyayari ang labanan sa pagitan ng Sudanese military at paramilitary forces.

Ayon sa DFA, 414 sa mga nailikas na Pinoy ang tumawid sa hangganan ng Sudan patungong Egypt sa pamamagitan ng mga evacuation bus na nirentahan ng embahada ng Pilipinas.

Maaari naman umano silang maghanap ng pansamantalang matitirhan sa Cairo kung saan matatagpuan ang embahada, at pwede rin silang bumalik na sa Pilipinas.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Noong una ay nahirapan umano ang gobyerno ng Pilipinas na ilikas ang mga Pilipino sa Khartoum dahil sa kakapusan sa mga evacuation bus at tumataas na presyo ng rental na umabot sa P1.5 milyon bawat isa.

Samantala, binanggit ng DFA na ang 58 mga Pinoy naman na nailikas ng pamahalaan ay umalis kamakailan sa Khartoum at tumuloy sa Port Sudan, kung saan sasakay sila ng barko patungong Saudi.

Ang natitirang 24 Filipino evacuees naman umano ay maaaring nasa Athens, Greece matapos silang lumipad sa isang Greek military aircraft o kaya naman ay nasa Jeddah, Saudi matapos sumakay sa isang Saudi military ship.

"DFA teams in Athens, Jeddah, and at the Egypt-Sudan border have been assisting Filipinos from Khartoum and are making arrangements for their repatriation via the next available flights," saad ng DFA.

"Coordination with the governments of Egypt, Saudi Arabia, and Greece on the safe passage of Filipino evacuees is continuing through the respective Philippine Embassies," dagdag nito.

Nagkakaroon ng labanan sa Sudan matapos sumiklab ang paksyon sa pagitan ng mga hukbo na tapat kay Heneral Abdel Fattah al-Burhan at paramilitary ng Rapid Support Forces (RSF).

Si Burhan ang namumuno sa transitional governing Sovereign Council ng Sudan habang ang RSF ay pinamumunuan ni Heneral Mohamed Hamdan Dagalo na siyang deputy head ng konseho.