True na talaga ang pagbabalik ng "Face 2 Face" sa ere at hindi na basta tsika lang.

Ayon sa anunsyo mismo ng TV5, Mayo 1 muling mapapanood ang tinaguriang "barangay hall on TV" na kamakailan lamang ay pinanawagang ibalik sa ere, at magkaroon ng celebrity edition dahil sa dami ng nagbabangayang artista at social media personalities kamakailan.

"Unresolved issues? Sasamahan ka ni Karla Estrada na solusyunan ‘yan! Abangan siya sa pagbabalik ng paborito nating TV5 program na #Face2Face, simula sa MAY 1!," saad sa caption kalakip ang pubmat na si Karla na nga ang magsisilbing bagong host nito.

'Tyang Amy Supremacy!' Karla, pinapalayas bilang host ng Face 2 Face

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen, na mababasa sa comment section ng post. May mga nagsabing tama lang na si Karla ang gawing host dahil nga ibang bihis na ito ngayon, at may mga nagsabi namang mas gusto nila ulit sina Tyang Amy Perez o kaya si Ateng Gelli De Belen. Sila kasi ang original hosts nito. Isa pa, hindi naman matatawaran talaga ang husay nila bilang tagapamagitan o arbitrator.

Ayon naman sa ulat ng PEP, talagang inialok muna kay Tyang Amy ang muling pagho-host ng show.

Anyare, bakit napunta kay Karla?

Sey ni Tyang Amy, hindi naman daw sa ayaw niya, kaya lang, may mga show naman siya sa ABS-CBN, at nahiya raw siyang layasan ito gayong never daw siyang pinabayaan; nagka-pandemya man at nawalan ng prangkisa, kahit hindi siya contract artist ay hindi naman siya nawalan ng trabaho.

In fairness nga kay Tyang Amy, simula nang bumalik siya sa home network after TV5 stint, hindi na siya nawala sa limelight. Naging bahagi siya ng pagbabalik ng "The Singing Bee," defunct morning show na "Umagang Kay Ganda," at ngayon ay kabilang siya sa noontime show na "It's Showtime." Ginagawa rin niya ang "Sakto," plus, may mga programa rin siya sa radyo at TeleRadyo.

Nakakatuwa nga raw si Karla dahil nagpunta pa raw ito sa bahay nila, tumawag at nagpaalam sa kaniya, na ito na nga ang magiging bagong host ng show.

Give Karla a chance na lang daw dahil baka mabigyan din niya ng ibang flavor ang show , na patok na patok sa mga marites.