Sisimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry run para sa implementasyon ng single-ticketing system para lahat ng paglabag sa batas-trapiko sa Metro Manila.
"The single ticketing system across Metro Manila is nearing full implementation. There is a need to conduct a dry run to increase public awareness," pahayag ni MMDA acting chairman Romando Artes kamakailan.
Sa ilalim ng single-ticketing scheme, binibigyan ng opsyon ang mga natiketan na lumabag sa batas-trapiko na magbayad online na nakakonekta naman sa information technology system ng Land Transportation Office (LTO).
Saklaw ng sistema ang 20 na karaniwang traffic violations sa National Capital Region (NCR).
Kamakailan, nagkasundo ang 17 alkalde ng Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapalabas ng MMDA Resolution No. 23-02 kung saan nakapaloob ang implementasyon ng sistema sa pamamagitan ng Metro Manila Traffic Code of 2023.