Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang apat pang dayuhang pugante na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kani-kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa mabibigat na krimen.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na naaresto sila sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI sa Cavite at Makati City.
“They will all be deported for being undesirable aliens and will be included in our blacklist to prevent them from re-entering the Philippines,”sabi ng BI chief.
Nakakulong ngayon ang apat na dayuhan sa BI detention center sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings.
Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na isang Koreano na nagngangalang Lee Choong Ho, 63, ay naaresto sa Bacoor City noong Pebrero 27.
Si Lee ay paksa ng warrant of arrest na inisyu ng korte ng distrito ng Daegu sa Korea kung saan kinasuhan siya ng extortion dahil sa paghingi at pagtanggap ng 9.6 billion won, humigit-kumulang P400,000, mula sa isang kababayan sa pamamagitan ng pananakot at karahasan.
Noong Marso 1, inaresto ng mga operatiba ng FSU sa kahabaan ng Amorsolo Drive, Makati City ang Taiwanese national na si Wu Jheng Long, 34, na pinaghahanap ng isang district court sa Kaohsiung, Taiwan dahil sa umano'y kaugnayan nito sa isang sindikato na nagbebenta ng ilegal na droga at nasangkot sa telecommunications fraud.
Noong araw ding iyon, naaresto ang dalawa pang Taiwanese national na sina Chen Chien Ning, 53, at Yang Zong Bao, 31, sa Calumpang St. at Tamarind Road sa Makati City.
Si Chan ay naiulat na inisyuhan ng warrant of arrest ng district prosecutor's office sa Chiayi, Taiwan kung saan siya ay inakusahan bilang miyembro ng isang sindikato na nagbebenta ng ilegal na droga at nagsasagawa ng telecom fraud at kidnap for ransom activities.
Si Yang, sa kabilang banda, ay pinaghahanap ng district prosecutor’s office sa Kaohsiung, Taiwan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa lihim na paggawa ng ilegal na droga.
Jun Ramirez