Matapos bardahin ng mga netizen ang model, social media personality, at entrepreneur na si La Austria dahil sa inintrigang caption niya sa Facebook post kasama ang TV host nitong si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes matapos ang guesting sa "Family Feud" ay kinaaliwan naman ang kaniyang latest Facebook post kung saan makikitang pumapapak siya ng isang mixed nuts na kapangalan ng mister ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera.

May pabirong caption kasi ang nauna niyang Facebook post na "Wait n'yo scandal namin" bagay na hindi nagustuhan ng mga netizen, lalo na ang mga tagahanga ng "DongYan."

Lai Austria at Dingdong Dantes (Screengrab mula sa FB)

'Di na raw makukulong sa banyo!' Lai Austria, 'inayos' caption sa post kasama si Dingdong

Pamilyadong tao na raw si Dingdong kaya "inappropriate" daw ang caption ni Lai, lalo na't baka mabasa pa ito ng mga anak nila sa hinaharap.

Sa kabilang banda, may mga nagtanggol din naman kay Lai at sinabing "funny post" lamang ito.

Dahil dito ay nag-trend ang pangalan ng misis ni Dingdong na si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, at pabiro pang sinabi ng netizens na mukhang may "makukulong sa banyo" kung hindi papalitan ang caption.

Ang birong ito ay mula sa isang kumakalat na tsika noon patungkol kay Marian kung saan isang aktres ang ikinulong umano niya sa banyo dahil sa selos.

Sa latest Facebook post ni Lai ay agad naman siyang nakinig sa netizens at inayos na ang kaniyang caption.

“Abangan n'yo love team namin mamayang 5:30pm sa Family Feud Philippines," aniya.

Pabiro pa niyang dagdag, "”Isang sc*nd@l lang kasi ang alam n'yo."

Sa latest Facebook post naman ni Lai, makikita ang kaniyang sexy photo habang kumakain ng junk food na kapangalan ng TV host-drama actor.

"Ang sarap mo," saad niya sa caption, na tumutukoy sa mixed nuts.

Kapansin-pansin naman ang mapanukso niyang puwesto habang nakahiga nang patihaya sa kama. Sa tabi niya ay may isang canned pineapple juice at mint candies.