Naispatan si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis "Chavit" Singson sa 44th birthday party ng kaibigang si dating senador at People's Champ Manny "PacMan" Pacquiao, noong Disyembre 17.
Makikita ang kuhang litrato nila ni PacMan sa Instagram post ni Jinkee na ibinida naman ang magarbong pagdiriwang ng kaarawan ng kaniyang mister.
Matatandaang naispatang magkasama sa litrato ang dalawa ayon sa Instagram post ni Congresswoman Richelle Singson, anak ni Chavit.
"Because Friendship is stronger than Politics," saad ni Richelle sa kaniyang Instagram post. Si Richelle ay bahagi ng "Ako Ilocano Ako party-list group."
Sa kalakip na video, makikitang nagyakapan pa ang magkaibigang "nasira" ng politika, dahil sa pagiging senador ng atleta.
Noong Oktubre 2021, binanatan ni Chavit si Manny dahil sa panukala umano nitong mas taasan pa ang excise taxes o buwis na ipapataw sa mga tabako, sigarilyo at alak, o mas kilala bilang 'sin tax'.
Ayon kay Chavit, hindi umano ginagamit ng senador ang kaniyang utak, dahil tiyak na maaapektuhan umano ang mga magsasaka ng tabako, lalo't isa ito sa ikinabubuhay ng mga tao sa bandang Norte, partikular sa Ilocos Sur.
“Eh kasi pinasok niya ‘yong issue na ‘yan nang di niya alam ‘yong sinasabi niya. ‘Pag tinaas ‘yong excise tax ng sigarilyo, tumataas ‘yong kita namin sa probinsya. Meaning, in short, nagbebenefit kami ‘pag tinaas. Kaya ‘ka ko, sobra na. Makikinabang kami eh, pero sobra na,” pahatag ni Chavit sa panayam ng isang media outfit.
“Up to now hindi niya maintindihan, ‘yong issue na ‘yan hindi niya maintindihan. Syempre ‘pag tinaas mo ang kita namin, ‘wag mo itaas dahil sobra na, nine times na ang tinaas ng taxes. Kawawa ang industriya, masisira ang industriya kung matutuloy ang tax. Hindi niya maintindihan ‘yon up to now,” dagdag pa niya.
“Hindi ko pinagbigyan ang kumpare ko, nagyabang pa eh mali naman ‘yong yabang niya. So ‘di niya ginagamit ang utak niya masyado."
Inamin ni Pacquaio noong Oktubre 15, na nagsabi na sa kaniya ang 'kaibigan' na hindi na siya nito susuportahan sa kaniyang kandidatura sa pagka-pangulo. Naninindigan naman si PacMan na nasa panig lamang umano siya ng tama at nararapat.
Matatandaang laging kasama si Chavit sa tuwing may laban ito sa ibang bansa. Nitong Agosto, kapansin-pansing hindi kasama ng Pambansang Kamao ang kaibigang Ilocos Sur kingpin, sa kaniyang laban kay Yordenis Ugas.
Hindi pa umano masabi ni Chavit kung kailan sila magkakaayos ni PacMan. Hihintayin na lamang niya umano na matalo ito. Posible naman umano ang reconciliation subalit medyo matatagalan pa.
At makalipas ang halos isang taon matapos ang termino ni Pacquiao, heto't muling nag-reunite ang magkaibigan.