Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may sub-variants na ang Omicron, isa sa mga variant ng Covid-19, dito sa Pilipinas, ayon sa press briefing na isinagawa ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire kahapon ng Martes, Oktubre18.
Pinangalanan ang naturang sub-variants na "XBB" at "XBC". Nasa 81 kaso ng mga pasyenteng may XBB sub-variant at 193 naman sa XBC sub-variant ang naitala ng kagawaran.
Sa 81 kataong may XBB, 70 rito ay naka-recover na at 8 naman ang nasa isolation pa rin, ayon kay Vergeire. Ang mga kaso ay nagmula umano sa Western Visayas at Davao region.
Sa 193 kataong may XBC naman, 176 raw ang naka-recover na, 3 ang nasa isolation, 5 ang nasawi, at ang 9 naman ay nananatiling sinusuri at minomonitor pa.
Ang mga kaso raw ay nagmula sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Western Visayas, Central Visayas, Davao region, Soccsksargen, Calabarzon, Mimaropa, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Caraga, Cordillera Administrative Region, at National Capital Region.
Ang mga variants na ito raw ay ang dumadale ngayon sa bansang Singapore, dagdag pa ng DOH OIC.
Napa-react naman dito ang showbiz columnist na si Ogie Diaz kung saan niretweet niya ang post ng ABS-CBN news anchor na si Edson Guido.
"Hala! Me bago nang (sub)variant, wala pa ring DOH secretary. 😭😭😭" ani Ogie.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"They focus more on creativity in order to achieve unity among the unknown millions."
"Pinag-aaralan pa kung kaninong alepores ibibigay ang pwesto sa DOH".
"Eh ano naman ngayon kung may DOH Sec na? Mawawala ba kaagad ang sub-variants na 'to?"
"Geez… chill po! Ang importante may adviser on creative imagination."
"Okay lang daw basta ang importante may creative communications adviser na…"
Ang tinutukoy ng mga netizen na adviser ng creative communications ay si Direk Paul Soriano, na itinalagang "Presidential Adviser on Creative Communications" ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. noong Lunes, Oktubre 17, 2022.
Ayon pa sa ulat "piso" o ₱1 lang daw ang magiging bayad ni Soriano sa posisyong ito sa buong taon, bagay na umani naman ng samu't saring reaksiyon at komento mula sa mga netizen.