Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes, Setyembre 8, na umaabot na sa 233 ang bilang ng mga kaso ng rabies sa buong bansa ngayong taon, at 100% ang fatality rate nito.
Anang DOH, ito ay batay sa kanilang pinakahuling tala noong Agosto 20, 2022.
Ayon sa DOH, ang mga nabiktima ng rabies ay nasa pagitan ng 3 taong gulang hanggang 87 taong gulang.
Gayunman, karamihan o nasa 36 ng mga kaso na katumbas ng 15% ng kabuuang bilang ay edad 60 taong gulang pataas.
“As of August 20, 2022, rabies cases had ages ranging from 3 years to 87 years old (median: 35 years). Most (36 cases or 15%) of the total reported rabies cases (233) this year were 60 years old and above,” anang DOH.
Kaugnay nito, patuloy na pinaalalahanan ng DOH ang mga mamamayan na mag-ingat laban sa rabies na nakukuha sa kagat ng aso at iba pang mga alaga.
Pinayuhan rin ng DOH ang publiko na maging responsableng “pet owners” at pabakunahan ang mga alaga kontra rabies.