Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Martes na ang monkeypox ay hindi klasipikado bilang  sexually-transmitted disease (STD) at kahit sino ay maaaring mahawa nito.

Sa isang press conference, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang monkeypox virus ay maaaring maihawa kahit kanino, sa pamamagitan ng close o direct contact, kaya’t walang dahilan upang mang-discriminate ng tao.

Sa halip, ang lahat aniya ay dapat na mag-ingat upang hindi mahawahan ng naturang karamdaman.

“Kahit sino sa atin maaaring makakuha ng monkeypox, it’s not just confined to that sector kaya dapat lahat tayo mag-iingat,” ayon pa kay Vergeire.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Wala pong rason para mag-discriminate tayo ng kahit sino ukol sa sakit na ito. Kahit sino sa atin maaaring magkaroon ng sakit na ito,” dagdag pa ni Vergeire.

Una nang iniulat ng DOH na 95% ng mga naitalang kaso ng monkeypox sa buong mundo ay naihawa sa pamamagitan ng sexual contact.

Sa Pilipinas, naitala na rin ang unang kaso ng monkeypox noong Biyernes.

Ang 31-taong gulang na pasyente ay may travel history sa bansang nakapagtala na ng kaso ng monkeypox.

Dumating siya sa bansa noong Hulyo 19 at nakumpirmang dinapuan ng sakit noong Hulyo 28.

Ani Vergeire, nananatili pa ring naka-isolate ang pasyente at bumubuti na ang lagay nito sa ngayhon.

Nakaranas umano ang pasyente ng mga sintomas ng sakit noong nasa ibang bansa pa ito ngunit nawala nang bumalik ito sa Pilipinas.

“Pag-uwi niya dito wala siyang kahit anong sintomas pero after a few days lumabas na yung kanyang rashes,” aniya pa.

Nilinaw rin naman ni Vergeire na ang Pinoy na nakumpirmang may monkeypox sa Singapore kamakailan ay iba sa pasyenteng na-detect na may sakit sa Pilipinas.

“Magkaibang tao, magkaibang date of onset, magkaibang lokasyon ang pinuntahan. Ang pareho lang ay edad," aniya pa.

Aniya, sa ngayon ay patuloy pa silang nakikipag-ugnayan sa mga otoridad sa Singapore hinggil sa lagay ng pasyente.

Ang maibibigay rin lamang aniya nilang detalye sa ngayon ay 31-taong gulang din ito at hindi isang turista sa naturang bansa.

Muli rin namang siniguro ni Vergeire na ang Pilipinas ay may kakayahang mag-detect ng monkeypox.

Kabilang aniya sa mga sintomas ng sakit ay lagnat, pananakit ng ulo, ubo, pananakit ng kasu-kasuan at likod, tonsilitis, at rashes malapit sa mukha.

Kusa naman aniyang gumagaling ang mga rashes sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo.

“Bagamat rare ang fatality rate, may 10% chance kung tatamaan ito lalo na kung kayo ay immunocompromised,” aniya pa.

Mahigpit rin ang paalala ni Vergeire sa publiko na manatiling istriktong tumatalima sa mga health protocols laban sa COVID-19 upang maiwasan rin ang monkeypox.