Madalang lang ang namamatay sa kinatatakutang monkeypox virus, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH) nitong Linggo.

Binanggit ng ahensya na karaniwang banayad lamang ang mga sintomas ng sakit.

"Monkeypox symptoms are mild, and the disease is rarely fatal," ayon sa pahayag ng DOH.

Ipinaliwanag din ng DOH na dalawa ang grupo ng organismo ng monkeypox -- ang West African at Congo Basin clade.

Sa datos ng World Health Organization (WHO), nasa 360 ang case fatality rate (CFR) sa bawat 10,000 kaso ng West African clade, habang 1,000 naman ang CFR sa kada 10,000 kaso ng Congo Basin clade.

Gayunman, tinukoy sa bagong datos na 10 na ang binawian ng buhay sa 22,000 na kaso ng monkeypox sa buong mundo.

Nangangahulugang aabot sa lima ang CFR sa kada 10,000 kaso.

Nauna nang nilinaw ng ilang infectious disease expert na mas nakahahawa pa rin ang smallpox at coronavirus disease 2019 kung ikukumpara sa monkeypox.

"Iba-iba 'yung virus po kasi na sanhi ng smallpox, ng monkeypox bagama't iyan ay parang magpipinsan.Ngayon, ang kaibahan niyan ay itong chickenpox nga, bulutong-tubig, eh ito ‘yong mabilis makahawa. Mas lubhang nakakahawa naman itong chickenpox kumpara po ro’n sa monkeypox, kaya nga pailan-ilan lang ‘yung kaso niyan sa bansang Africa kung saan nag-umpisa iyan at kung saan endemic iyan," paliwanag naman ni Dr. Enrique Tayag, director ngKnowledge Management and Information Technology Service ng DOH.

Sa pinakahuling datos ng WHO, nasa 19,178 na ang mga kaso ng monkeypox sa 78 bansa.

Naitala ang unang human case ng monkeypox sa Democratic Republic of the Congo kung saan isang siyam na buwan na lalaki ang tinamaan nito noong 1970.