Iniulat ng Department of Health (DOH) sa inilabas nilang weekly Covid-19 update nitong Lunes na nakapagtala pa sila ng 1,124 bagong kaso ng Covid-19 sa bansa mula Mayo 2 hanggang 8, 2022.

Nangangahulugan ito na ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 161.

Paglilinaw ng DOH, ito ay mas mababa ng 20% kung ikukumpara sa mga kaso noong Abril 25 hanggang Mayo 1.

Sa mga bagong kaso ng sakit, 14 ang may malubha at kritikal na karamdaman habang ang iba pa ay may asymptomatic hanggang mild cases lamang.

Nakapagtala rin ang DOH ng 42 na pumanaw dahil sa karamdaman, kabilang ang walong pasyente na namatay noong Abril 25 hanggang Mayo 8.

“Noong ika-8 ng Mayo 2022, mayroong 611 na malubha at kritikal na pasyenteng naka-admit sa ating mga ospital dahil sa COVID-19. Sa 2,817 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 474 (16.8%) ang okupado. Samantala, 15.4% ng 23,818 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit,” anang DOH.

Iniulat din ng ahensiya na nasa mahigit sa 68 milyong indibidwal o 76.04% rin umano ng target population ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 13.4 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Nakatanggap na rin kanilang primary series ang 6.7 milyong senior citizens o 77.12% ng target A2 population ng pamahalaan.