Napatay ng pulisya ang limang pinaghihinalaang carnapper at holdaper sa isang engkwentro sa Tabuk City, Kalinga nitong Huwebes ng umaga.
Sa salaysay ni Maj. Gary Gayamos, nakatalaga sa Kalinga Police Provincial Office, kaagad silang nagsagawa ng checkpoint matapos nilang ma-monitor ang mga suspek na nanggaling sa Tinglayan, Kalinga, dala-dala ang iligal na droga.
Nang lumagpas umano ang mga suspek sa checkpoint sa Brgy. Bulo sa Tabuk City sakay ng isang kotse ay pinaputukan pa nila ang mga pulis.
Nang habulin ng mga pulis ay dumiretso umano sa kanal ang kotse kung saan nakorner ang mga suspek.
Sinabi ng pulisya, lumabas ng kotse ang limang suspek at pinaputukan ang mga pulis kaya nagkaroon ng sagupaan.
Dead on the spot ang dalawang suspek habang ang tatlo ay dead on arrival sa ospital dahil sa mga tama ng bala..
Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang apat na caliber .45 na baril, isang granada, at 23 bricks ng dried marijuana na nagkakahalaga ng P2.7 milyon.
Patuloy pang kinikilala ng pulisya ang mga suspek.