Nakumpiska ang tinatayang 206.7 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,401,592 sa sampung indibidwal sa ikinasang malawakang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) sa katimugang Metro Manila, anunsyo ni Southern Police District (SPD) Director Brigadier General Jimili Macaraeg.

Unang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit sa Osmeña St. kanto ng Pateros St., Barangay Valenzuela, Makati City, dakong 8:40 ng gabi nitong Miyerkules, Abril 27 na ikinaaresto ng suspek na si Noel Herrera, alyas Boss, 56, isang tindero ng isda at nakumpiskahan ng 105 gramo ng 'shabu' na may halagang ₱714,000 marked money, paper bag, at eco bag.  

Sa Parañaque City, bandang 10:50 ng gabi sa Canada St., Tramo ll, Brgy San Dionisio, nadakip ng awtoridad ang magkapatid na suspek na sina Ramon Alcatin Villoga, 38, at Mary Grace Alcatin Villoga, 29, nang masamsam ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱102,000 buy-bust money at coin purse.                                                        

Samantala dakong 11:10 ng gabi sa Acacia St., Sikat Village, Brgy. Tunasan, Muntinlupa City, natimbog ang mga suspek na sina Rasdie Bagonte, alyas Pao, 25, at Rustico Mantilla, alyas Ikong, 45, nang marekober ang 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng  ₱102,000 at marked money.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Dakong 11:37 ng gabi isinagawa naman ang buy-bust operation sa harapan ng K-MAC'S Burgers and Wings, Lontoc St., Brgy. Calzada-Tipas, Taguig City na nagresulta ng pagkakaaresto nina Julius Palma Esto,alyas Habal,40,isang street level individual/pusher; Roger Dizumimba Dimacuta, 39, at Mary Jane Luminda Agao, 28.

Narekober sa tatlong suspek ang 37.3 gramo ng shabu na may halagang ₱253,640, dalawang coin purse at ₱500 bill na buy-bust money. 

Bandang 11:55 ng gabi sa Pineapple St., Brgy. New Lower Bicutan, Taguig City, nahuli ang suspek na si Mastura Lampay, alyas Tords,32,at nasamsam ang 12 gramo ng shabu na tinatayang P81,600 marked money, improvised handgun at isang bala, at belt bag.

Sa kabilang banda, sinilbihan naman ng search warrant mula sa korte ang suspek na si Francisco Masangkay,47, na nagresulta ng pagkakakumpiska ng 22.4 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱148,352, dalawang coin purse at isang maliit na kahon sa loob ng kanyang bahay sa #185 Sitio 2, Blk 9., Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City.

Itinurn-over ang mga ebidensiya sa SPD Forensic Unit para sa chemical analysis habang inihahanda na ang pagsasampa ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.

“Pinupuri ko ang mga operating teams sa kanilang patuloy na operasyon kontra droga na humantong sa sunod-sunud na pagkakaaresto ng mga drug suspects at pagkakakumpiska ng malaking halaga ng shabu. Makakaasa po kayo na hindi po kami titigil sa aming operasyon sa pagsugpo sa illegal na droga sa ating nasasakupan,” sabi ni BGen Macaraeg.