Usap-usapan pa rin ang naganap na 'Unity joint press conference' nina Senador Panfilo Lacson, Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, dating Defense Secretary Norberto Gonzales, at kani-kanilang mga running mate na sina Doc Willie Ong at Senate President Tito Sotto III noong Easter Sunday, Abril 17, sa The Peninsula Manila Hotel.

“Higit pa man sa resulta ng isang halalan, mas pinaiiral natin ang kalayaan ng ating taumbayan na pumili ng kanilang magiging lider,” ani Mayor Isko habang binabasa ang statement.

“Nais naming makadaupang-palad ang ating mga kababayan, alinsunod sa kagustuhan nilang mas lalo pa kaming makilala bilang mga kandidato. Sa halip na kami ay malayo sa kanila sa pamamagitan ng prosesong pang electoral, magkaroon ng pagkakaisa tungo sa pagnanais na kung ano ang kahihinatnan ng ating bansa."

“Kasama kami sa kagustuhan ng ating mga kababayan na magkaroon isang diwa ng pagsasama-sama na mananaig sa umiiral na bangayan at personal na misyon upang yakapin ang pagkakaisa para sa ikabubuti ng lahat na hindi lamang mga kataga o bukambibig ang politika."

“Kami ngayon ay nangangako, una, maninilbihan sa pamahalaan na kung sinuman ang mapipili sa amin ng ating taumbayan na magiging susunod na pangulo at kami ay magsasanib-pwersa ang anumang pagtatangka na baluktutin ang totoong pagpapasya ng taumbayan sa pamamagitan ng paggalaw ng hindi kanais-nais o ‘di kaya paglilimita sa malayang pagpili ng ating mga kababayan.”

Binigyang-diin ni Domagoso na hinding-hindi sila magbibitiw sa kanilang kandidatura.

“At higit sa lahat, hinding-hindi kami magbibitiw sa kampanya. Ang Bawat isa sa amin ay magpapatuloy sa aming sariling kandidatura upang maging karapat-dapat na piliin ng sambayanang Pilipino,” aniya.

Nanawagan din sila na mag-withdraw o umatras na lamang sa kandidatura ang katunggaling si Vice President Leni Robredo. Ayon kay Yorme, ang kampo umano ni VP Leni ang nag-aalok sa kanila na umatras na lamang sa laban. Dahil dito, trending ang hashtag na #WithdrawLeni.

Kaya naman, ginawan ito ng 'parody' ng impersonator ni VP Leni na si 'Simpleni Robredo' sa kaniyang tweet noong Abril 17, 2022.

Makikitang nasa tapat siya ng Automated Teller Machine o ATM at katatapos lamang daw mag-withdraw… ng cash.

https://twitter.com/SimpleniRobredo/status/1515675771008094215

"Simpleng ATM. Angat Tayo, Marz!" nakasaad sa caption.

Ibinahagi rin niya ang TikTok video ng kaniyang 'Drop everything' challenge habang nakaharap sa ATM.

https://twitter.com/SimpleniRobredo/status/1515700787720376324