KALINGA - Sinunog ng mga awtoridad ang mahigit sa₱1 milyong halaga ng marijuana matapos salakayin ang plantasyon nito na ikinaaresto ng tatlo lalaki sa kabundukan ng Tinglayan ng nabanggit na lalawigan kamakailan.
Sa report na natanggap ni Police Regional Office (PRO)-Cordillera Director Ronald Oliver Lee, ang tatlo ay nakilalang sina Peter Bagtang, 22; Langao Bagtang, 70 at isang 17 taong ng gulang na lalaki.
Nauna nang nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay ng taniman ng marijuana sa Mt. Bitullayungan, Brgy. Butbut Proper, Tinglayan kaya agad na sinalakay ng mga tauhan angKalinga Provincial Police Office, Regional Intelligence Division, Regional Mobile Foce Battalion 15, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera Administrative Region na ikinaaresto ng mga suspek.
Naiulat na naaktuhan ng mga raiding team ang tatlo na umaani ng tanim na marijuana at nagtangka pang tumakas matapos makita ang mga awtoridad.
Gayunman, naaresto ang mga ito at nasamsam sa kanila ang isang Cal. 22 na may 12 na bala; isang Cal. 9mm pistol na may 21 na bala at dalawang magazine at 12 gauge na shotgun na may 4 na bala.
Idinagdag pa ng pulisya, agad nilang sinunog ang mahigit sa ₱1 milyong halaga ng tanim na marijuana upang hindi na mapakinabangan.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang mga suspek.