Inanunsyo ng bansang Japan na plano anilang maglabas ng 80 milyong bariles ng langis mula sa kanilang private, national, at emergency oil reserves, kaugnay sa palala nang palalang tensyon sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Tugon anila ito upang mabigyang-solusyon ang nakaambang pagsipa ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, at mapigilan ang posibleng kakulangan sa nasabing produkto.
Ayon sa mga ulat, nakipag-ugnayan na ang Japan sa G7 at International Energy Agency (IEA) hinggil sa desisyong ito, at sisimulang ilabas ang oil barrels bago o mismong sa darating na Marso 16.
Samantala, patuloy na apektado ang suplay at presyo ng langis sa buong mundo, bunsod ng hindi pa rin natatapos na girian sa pagitan ng puwersa ng Amerika at Israel kontra sa bansang Iran—na may kontrol sa Strait of Hormuz.