Inihayag niAksyonDemokratiko Presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na bukas siyang mag-adopt ng senatorial candidates na hayagang magpapahayag ng suporta hindi lamang sa kanyang kandidatura, kundi maging sa kandidatura ng kanyang ka-tandem na si vice presidential candidate Dr. Willie Ong.

Sinabi ni Moreno na nagkasundo sila ni Ong na hindi nila tatanggihan ang sinumang nais na sumuporta sa kanila.

“May isa lang kaming rule — kailangan ‘yung sasali sa aming senador kailangan sasabihin nila sa publiko na kami ang kandidato nila,” ayon kay Moreno.

Naniniwala si Moreno na ang isang guest senatorial candidate ay dapat na mayroong isang presidential candidate lamang na susuportahan.

Hindi aniya niya nais ang ideya na ang isang senatorial bet ay kasali sa tiket ng dalawa o mas marami pang presidential candidates dahil katumbas aniya ito nang panloloko sa mga mamamayan.

Sinabi pa ni Moreno na nang tumakbo siya sa pagka-senador noong 2016 ay sumama siya sa senatorial ticket ni Sen. Grace Poe, at tinanggihan ang alok na maging guest candidate ng ibang ticket dahil nakapag-commit na aniya siya kay Poe na ito ang kanyang nag-iisa at tanging presidential candidate.

“Hindi naman sarado, wala pang guest candidate. I have to be fair pag dumarating sila. Dumating silang tao so tao rin naming silang tinuturing kasi kahitnaman hindi tayo nakapag-aral sa tamang panahon marunong naman tayong makipag-kapwa tao. ‘Yun ang mahalaga. Maiparamdam natin sa kanila na dilaw, pula, o sino pa pwede naman namin kayong makasalamuha pero kami as of today ang kandidato ko na vice president ay si Doc Willie, ang kandidato ko na senador si Samira Gutoc, si Jopet Sison, at si Carl Balta. Lahat wine-welcome namin, lahat ng gustong tumulong sa amin, thank you very much. Ang pobre hindi nakakapamili masyado,” aniya pa.

Una nang sinabi ni Moreno na umaasa siyang mas marami pang kongresista, gobernador, mga bise gobernadora, alkalde, bise alkalde at iba pang opisyal ang susuporta sa kanila.

Umaasa rin aniya siya na matitiyambahan niya ang suporta ni Pang. Rodrigo Duterte.

“Pero hindi pa rin kami titigil na bumalik sa tao, diretso sa tao as what you have seen today again. Ngayon nga lang talagang literal na kaming humihingi ng boto, humihingi ng tulong sapagkat official na itong araw na ito so, we will continue this,” aniya pa.

“But we are hoping na pati senador baka tulungan din kami, kung sino man and that includes President Duterte para lang ‘yung future na tatanungin ninyo at least alam niyo na pati boto ni presidente hopefully ako ang maiboto niya,” pahayag pa ni Moreno.

Mary Ann Santiago