Arestado ang isang negosyanteng Chinese dahil sa umano'y pagbebenta sa online ng mga puslit na coronavirus disease (COVID-19) antigen test kits sa Maynila, kamakailan.
Hindi na muna isinapubliko ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkakakilanlan nito habang nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon upang matukoy at madakip ang mga pinagkukunan nito ng mga test kits.
Ang pagkakaaresto ay isinagawa matapos salakayin ng NBI-Special Action Unit (SAU)ang isang tagong gusali sa San Miguel, Maynila kung saan nakatambak ang mga produktong iniaalok nito online, ayon kay executive officer Kristine dela Cruz ng NBI-SAU.
Sinabi ni Dela Cruz, naabutan nila ang suspek sa nasabing gusali na nagbebenta online at nagpa-pack ng mga antigen test kits na nakatakda na sanang i-dispatch.
Natuklasan ng NBI na walang business permit at barangay clearance ang suspek para sa kanyang negosyo.
Wala rin umanong special application sa Food and Drug Administration (FDA) ang suspek kaya ipapadala nila sa ahensya ang mga produkto upang masuri kung mabisa.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kaso laban sa suspek.