'Hindi naman ako sisigaw ng "Itigil ang kasal."'
Sa bagong vlog ni Fr. Roniel El Haciendero, ipinasilip nito ang kanyang kakaibang karanasan na kung saan siya mismo ang nagtali sa pag-iisang dibdib ng dati nitong kasintahan.
Bago pa man magsimula ang seremonya, nagkumustahan muna sina Fr. Roniel at ng kanyang ex-girlfriend na si Korina.
Biro pa ni Korina, kinakabahan siya sa magiging laman ng homilya ng dati nitong kasintahan.
Mismong si Korina na ang nagbigay ng suhestyon kay Fr. Roniel na gawing content sa vlog nito ang kanilang kasal.
“Ako ho’y kinakabahan, ang dami ko na hong naikasal. Ito ho ang pinaka ako’y nanginginig, tingnan niyo ako’y pawis na pawis na," biro ng pari nang simulan ang homilya.
Sa gitna ng sermon, inamin ni Fr. Roniel ang rebelasyon na ikinagulat ng karamihan sa simbahan.
“So, para madali na ito at ika’y makasal na, dahil hinihintay niyo talaga ang araw na ito. Si Korina ho ay aking ex,” ani Fr. Roniel.
Ngunit, sinundan naman ni Fr. Roniel na 'past is past.'
“Gayunpaman, the past is past.’ Yun ho’y matagal na. Ngayon naman, may kanya-kanya na kaming buhay. Ako’y pari na, at ngayong araw na ito, si Korina ikakasal na.”
Nagpahayag naman ng pagsuporta si Fr. Roniel sa bagong yugto ng buhay ni Korina kasama ang asawa nito.
Dagdag pa ng pari, iba't-iba ang nagiging tadhana ng mga tao. Ang iba ay nakatakdang bumuo ng pamilya, ang iba naman ay 'tinawag ng diyos' upang maglingkod.
“Iba-iba tayo ng bokasyon. Mayroong pagtawag para sa pagpapari, ‘yung iba’y tinatawag para sa pag-aasawa. Kanya-kaya ‘yan ng pagtawag mula sa Panginoon. Ako’y masaya bilang pari, at alam kong si Korina ay masaya sa kanyang tatahaking buhay may-asawa."
“Wala itong bitter feelings, lahat ay masaya. Kami ay magkaibigan at pwede pa rin namang magdamayan kahit may kanya-kanya ng buhay.”