Hindi umano tatanggihan ni Manila Mayor Isko Moreno ang endorsement ni Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling siya ang palaring mapili nitong iendorso para sa May 9, 2022 presidential elections.
Ang pahayag ay ginawa ni Moreno matapos na mahingian siya ng reaksiyon sa naging pag-urong ni Senador Christopher "Bong" Go sa kanyang presidential candidacy.
Inamin ni Moreno na kailangan niya ang lahat ng suporta na maaaring matanggap dahil sa mabigat na laban na kakaharapin sa halalan.
Paglilinaw naman ni Moreno, ayaw niyang pangunahan ang pangulo ngunit kung siya aniya ang mapipili nitong suportahan sa halalan ay labis niya itong ipagpapasalamat.
“Di ako tatanggi. Ang pulubi di makakapamili. Kailangan ko lahat ng klaseng tulong, ordinaryong tao, kahit sinong tao, kasi mabigat na laban ito. Malaki ang Pilipinas,” ayon pa kay Moreno, sa isang panayam.
“With all honesty, umaasa ako ng lahat ng tulong kasi from the beginning, nagtapat ako na kailangan ko ng tulong kasi alam mo naman, solo katawan ako sa mundo ng public service so kailangan ko ng mga allies, loyalist, believers, followers and volunteers,” dagdag pa niya.
“So kung ako ang mapupusuan nila, uy salamat, thank you in advance. Pero ayoko pa rin na pangunahan sila, until they say so,” aniya pa.
"For the meantime, I’m always hopeful,” dagdag pa niya. “For the meantime, habang umaasa akong matulungan ng ibang tao ay makikipag-ugnayan ako palagi dahil marami akong natutunan sa mga tao.”
Mary Ann Santiago