Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Linggo, Nobyembre 14, na aabot na lamang sa 1,926 ang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Hanggang nitong Nobyembre 14, Linggo, umaabot na sa 2,816,980 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas, ayon na rin sa case buletin No. 610 ng DOH.
Sa naturang kabuuang bilang, 1.0% na lamang o 28,102 ang aktibong kaso o may posibilidad pa na makahawa.
Sa mga active cases naman, 62.3% ang nakakaranas ng mild symptoms, 16.94% ang moderate cases, 10.5% ang severe cases, 5.8% ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas, at 4.5% ang kritikal.
Nasa 3,140 naman na pasyente ang nakarekober na sa karamdaman kaya sa kabuuan, nasa 2,743,297 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.4% ng total cases.
Naitala rin ang 309 pasyenteng binawian ng buhay sa COVID-19.
Sa kabuuan, nasa 45, 581 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.62% ng total cases.
Mary Ann Santiago