Ibinahagi mismo ni Kapuso actress Bea Alonzo ang mga behind-the-scenes photos sa music video ng awiting 'Karma' nina Skusta Clee kasama si Gloc 9, na #1 trending ngayon for music sa YouTube, matapos mailabas nitong Oktubre 31, 2021.
"Some behind-the-scenes shots from Skusta Clee and Gloc-9's 'KARMA'," saad sa caption ni Bea Alonzo, na siyang tampok sa naturang music video.
Makikita sa naturang music video na hinahabol ng mga zombies si Bea Alonzo. Ang zombies ay isang uri ng monsters na likhang-isip at mabenta sa mga horror stories, na dating mga namayapang tao na muling nabuhay upang kumain ng mga taong buhay at gawing kauri nila.
Ang zombies umano sa music video ay metapora o simbolo ng karma na humahabol-habol sa isang tao, lalo na kapag alam niyang may nagawa siyang pagkakamali sa kapwa.
Nagpasalamat naman sa comment section ng music video ang direktor nitong si Titus Cee.
"Ngayon pa lang nagpapasalamat na ako sa lahat ng nakasama ko para mabuo itong proyekto na ito. Salamat sa PDL, Sir Gloc, Ms Bea at kay Skusta Clee ng mundo!", aniya.
Si Daryl Jake Borja Ruiz o mas kilala bilang 'Skusta Clee', ay isang Filipino rapper, singer-songwriter, record producer, at miyembro ng Filipino hip-hop group na Ex Battalion.
Partner niya ang Filipina-Lebanese YouTuber na si Zeinab Harake na inanunsyo ang pagbubuntis ng anak nila ng singer-rapper noong Disyembre 2020, at nagsilang naman noong Abril 28, 2021.
Award-winning din si Skusta Clee dahil siya ang itinanghal na Wishclusive R&B Performance of the Year para sa awiting 'Zebbiana' noong 2019, at Spotify's Top OPM Hip-Hop Artist ng Myx Music Awards noong 2020.