Nagbigay ng hamon si dating Department of Finance (DOF) Usec. Cielo Magno para kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na mahigit apat na buwan nang hindi umano pumapasok sa trabaho.
Sa latest Facebook post ni Magno nitong Biyernes, Marso 13, sinabi ni Magno kay Dela Rosa na huwag nang tumanggap ng sweldo kung may natitira pang hiya sa pagkatao nito.
“Sen. [D]ela Rosa, kung may natitira pang hiya sa pagkatao mo, ikaw na ang magkusa na huwag kunin ang sweldo at mga allowance mo dahil wala ka naman ambag sa Senado,” saad ni Magno.
Bukod dito, inapura din niya ang Senado sa pagbuo ng patakaran para sa mga pabayang kagaya ni Dela Rosa.
Aniya, “Ang Senado naman, pakibilis-bilisan ang pagfo-formulate ng rules para sa mga delingkwenteng katulad ni Bato. Minimum ang pagtanggal ng sweldo at allowance.”
“Isama na rin ang pag suspend at eventually pag tanggal sa Senado lalo na kung wala naman talagang silbi. Sayang lang ang pera ng bayan!” dugtong pa ni Magno.
Matatandaang humiling si Dela Rosa kay Senate President Tito Sotto na magamit niya at ng kaniyang pamilya ang Senate Mansion sa Baguio City para sa isang Golf Tournament batay sa liham na may petsang Marso 12.
Maki-Balita: Matigas pa sa bato! Hiling ni Sen. Bato, Senate Mansion sa Baguio, magamit para sa golf!
Ngunit hindi pumayag ang Senado dahil kasalukuyang kinukumpuni ang mansyon at kinakailangan umano ang presensiya ni Dela Rosa kung gagamitin man ito kasama ang pamilya nito.