Mistulang nakawala sa kural, wika nga, ang ilang sektor ng ating mga kababayan nang ibaba sa alert level 3 -- mula sa alert level 4 -- ang quarantine status ng National Capital Region (NCR). Mula ngayon, bubuksan na ang mga sinehan, restaurant at iba pang mga establisimiyento na halos hindi napapasok ng sambayanan dahil nga sa matinding banta ng coronavirus na kumitil na ng maraming buhay.
Bagama't limitado pa rin ang bilang ng taumbayan na makapapasok sa nasabing mga business establishments, sapat na iyon marahil upang magdiwang ang ilang sektor, lalo na yaong matagal ding nagbuhay-bilanggo at ermitanyo sa kani-kanilang mga tahanan; nanatili sila sa gayong kalagayan sa pangambang dapuan ng nakamamatay na COVID-19.
Sa kabiila ng gayong mga pananaw, palibhasa'y minsan nang nagdusa sa quarantine at isolation area, naniniwala ako na hindi dapat magmadali ang ating mga awtoridad sa pagpapaluwag ng mahigpit na health protocol laban sa panganib ng mikrobyo. Bagkus, lalo pang paigtingin upang ganap na maligtas ang ating mga kababayan sa naturang salot. Hanggang ngayon, patuloy pang nananalanta ang nasabing sakit hindi lamang sa ating bansa kundi lalo na sa ibang lugar sa planetang ating ginagalawan. Isipin na lamang na sa United Kingdom, halimbawa, iniulat na 44,000 ang dinapuan ng COVID-19 sa loob lamang ng isang araw. Marahil, bunga ito ng pagwawalang-bahala sa ipanatutupad na health protocol, tulad ng social distancing.
Totoo na kailangan nang magpatupad ng mga bagong reglamento tungo sa pagbangon ng ekonomiya ng ating bansa. Masyado nang lugmok ang ating kabuhayan: milyun-milyong kababayan natin ang nawalan ng trabaho at iba pang pagkakakitaan para sa kani-kanilang pamilya. Dahilan marahil ito upang mapilitang makipagsapalaran ang ilang kababayan natin na kung minsan ay humahantong sa malagim na wakas.
Sa kabila ng gayong nakababahalang sitwasyon, marapat lamang na hindi dapat magpadalus-dalos ang mga kinauukulan sa pagpapaluwag ng quarantine status hindi lamang sa NCR kundi sa iba pang panig ng bansa.
Dapat atupagin ng administrasyon -- at ng iba pang sektor -- ang puspusan at kung maaari ay sapilitang pagbabakuna ng mga mamamayan. Sa gayon, hindi lamang 70 porsyento ng ating populasyong 110 milyon ang dapat matuturukan ng kahit anong uri ng bakuna; magbubunga ito ng ganap at ligtas na health immunity para sa sambayanang Pilipino.