Posible umanong pagsapit ng panahon ng Kapaskuhan ay mapaluwag na ang restriksyon sa bansa kung tuluyang makokontrol ang hawaan ng COVID-19 at magtuluy-tuloy ang pagbaba ng mga naitatalang kaso nito.

Ito ang reaksyon ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa projections ng cluster team ng Department of Health (DOH) kung saan inaasahan nilang pagsapit ng Nobyembre 15 ay higit pang bababa ang mga maitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) na aabot na lamang sa 1,100 kaso.

“If we will look at our daily cases we will be averaging about 1,100 cases by November 15, daily cases dito sa National Capital Region (NCR),” pahayag pa ni Vergeire, sa isang pulong balitaan.

“Kung magtuluy-tuloy po 'yan at maipagpapatuloy po natin ang pag-control sa transmission ng sakit po na ito sana po ay tayo pong lahat ay nagho-hope by Christmas time magkakaroon po ng mas maluwag na classification and restriction sa ating mga kababayan,” pahayag nito.

National

PCO, pinasalamatan Kamara sa pag-apruba ng ₱2.281B proposed budget sa 2025

Tinatalakay na rin naman aniya ng mga health experts at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) kung maging ang mga bata ay papayagan na ring lumabas ng mga tahanan sa Pasko.

“But looking at the case data right now tinitignan po natin at kung mauumpisahan na rin po natin ang pagbabakuna those with comorbidities sa mga kabataan kung atin pong itutuluy-tuloy at mag-stabilize po ang ating supplies meron naman pong posibilidad na mapalabas na rin ang mga bata sa Pasko,” aniya pa.

Nitong Setyembre 29, inanunsyo ng DOH na target nilang masimulan ang pediatric vaccinations sa mga batang nasa 12 hanggang 17-taong gulang sa Oktubre 15, at uunahin umano nila ang may mga comorbidities, bilang bahagi ng Priority Group A3.

Mary Ann Santiago