Isang lalaking lasing ang patay nang pagsasaksakin ng kanyang kainuman matapos silang magkapikunan sa Tondo, Manila nitong Lunes ng madaling araw.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Michael John Gonzales, 38, at residente ng 1606 Panday Pira St., Tondo, Manila ngunit binawian rin ito ng buhay dahil sa tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, kaagad namang naaresto ng mga alerting tauhan ng Manila Police District (MPD)-Police Station 1 (PS-1) ang suspek na si Brian Alcoriza, 29, ng 529 Amarlanhagui St., Tondo.

Batay sa ulat ng MPD-Homicide Section, nabatid na dakong alas-2:20 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Varona St., corner Panday Pira St., sa Tondo.

National

PISTON at Manibela, may transport strike ulit!

Bago ang krimen ay masaya umanong nag-iinuman ang suspek at biktima sa naturang lugar nang sa di pa batid na kadahilanan ay magkapikunan ang mga ito na nauwi sa kanilang pagtatalo.

Dito na umano nagbunot ng patalim ang suspek at kaagad na inundayan ng saksak ang biktima bago mabilis na tumakas.

Naisugod pa ang biktima sa pagamutan ngunit nasawi rin.

Tinangka namang tumakas ng suspek ngunit naaresto siya ng foot patrol team ng MPD-PS1.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong murder sa piskalya.

Mary Ann Santiago