Itinalagang bagong Philippine ambassador to the Federative Republic of Brazil ang retiradong Philippine Army major general na si Fontanilla Chan.
Isang political appointee, magtatapos ang termino ni Chan sa oras na bumaba sa puwesto si Pangulong Duterte sa Hunyo 2, 2021.
Ayon sa isang beteranong Filipino diplomat, ang petsa ng pag-upo ni Chan sa Philippine Embassy in Brasilia ay nakasalalay sa approval ng Brazilian government.
Ito ang naging pag-usad matapos ang proceedings ni Chan sa Commission on Appointments (CA), eksaktong 15 araw matapos pirmahan ni Panguling Duterte ang nomination papers nito sa Malacanang.
Papalitan ni Chan ang dating Ambassador to Brazil na si Marichu Mauro, na na-dismiss sa serbisyo matapos kumalat ang video na nagpapakita sa kanyang pagmamaltrato sa isang Pilipina.
“Pursuant to the provisions of Section 16, Article VII of the 1987 Constitution and existing laws, you are hereby nominated Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary to the Federative Republic of Brazil with concurrent jurisdiction over the Republic of Colombia, the Cooperative Republic of Guyana, the Republic of Suriname, and the Bolivarian Republic of Venezuela, with the salary and emoluments of a Chief of Mission Class I,”ani Duterte sa pagtatalaga kay Chan noong Setyembre 7.
Nagsilbi sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng 38 taon si Chan. Naging military attache rin si Chan sa bansang India sa loob ng tatlong taon, na may sakop sa mga bansa kagaya ng Bangladesh, Nepal at Sri Lanka.
Dalawang taong naging head executive assistant din si Chan sa opisina ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu.
Nitong 2019, itinalagang special envoy to Libya si Chan para tulungang i-repatriate ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na naipit sa kaguluhan sa bansa.
Matapos ang mabilisang CA proceedings, agad na nanumpa si Chan kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Civillian Security and Consular Affairs Brigido Dulay.
Rose Mabasa