Nanawagan si Bise Presidente Leni Robredo sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at opisyal na huwag masamain ang Commission on Audit (COA) audit report. 

Ito aniya ang pagkakataon upang mas malinawan ang publiko pagdating sa gastusin ng gobyerno.

Ginawa ni Robredo ang pahayag matapos banggitin ng COA ang mga “deficiencies” ng iba't ibang ahensya noong 2020, katulad ngDepartment of Health (DOH), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Ports Authority (PPA), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa isang video message, sinabi ng bise presidente na dapat tumugon ang mga ahensya ng gobyerno sa ulat ng COA upang magbigay liwanag sa sitwasyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Hindi natin dapat minamasama ‘yung mga reports na ‘to. In fact, binibigyan pa nga tayo ng opportunity na sumagot, na magpaliwanag, na maging mas transparent sa systems and processes natin,” ani Robredo.

“So when these reports and audits come—we must respond. Kasi we owe it hindi lang sa COA, pero mas importante, sa taumbayan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Robredo na ang pag-audit ng COA at iba pang sistema ay upang matiyak na nagagamit nang maayos ang pondo ng publiko.

“Kaya tayo may mga proseso at regulasyon na kailangang sundin, para masigurong walang korapsyon sa pamahalaan, walang nananakaw, walang nalulustay,” aniya.

“Dito pumapasok ‘yung trabaho ng COA—para masiguro na tapat at seryosong nasusunod ang mga prosesong ito,” dagdag pa niya.

Sinaluduhan naman ni Robredo ang COA sa pagtupad sa tungkulin nito.

“Kaisa ako sa pag-encourage sa ating auditors na ipagpatuloy ang mabuting trabaho, kasabay ang paalala na may dahilan kung bakit may mga proseso tayong sinusunod—at katuwang natin ang COA para maipatupad ‘yung tunay na mabuting pamamahala,” ani Robredo.

Matatandaang, nagbigay ang COA ng “unqualified opinion” na rating sa financial report ng Office of the Vice President (OVP) para sa Fiscal Year 2020 para sa ikatlong magkakasunod na taon. Ang naturang rating ay ang pinakamahusay na opinyon na maaaring makuha ng isang ahensya mula sa COA— kapag ang isang tanggapan ay nagpapakita ng patas na financial position at may maayos na financial statements.

Gayunman, sa mga obserbasyon at rekomendasyon nito, nabanggit ng COA na may “process gaps” sa paghawak at pagsubaybay ng OVP sa resibo at pamamahagi ng donations in-kind.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque sa kanyang press briefing noong Huwebes, Agosto 19, hindi pa umano pinal ang mga COA reports at kumalma muna ang publiko.

“Magsusumite ng komento, pagkatapos po magkakaroon ng final report ang COA. Sa final report po, ‘yan ang pwedeng magamit na ebidensiya sa hukuman,” aniya.

“Pero hindi lang po ‘yan ang hihingiing ebidensiya ng hukuman– isa lang po ‘yan. Kinakailangan, meron pang ibang mga testigo para mapatunayan kung meron ngang paglabag sa ating batas on graft and corruption,” dagdag pa niya.

“So, sa ngayon po, ang aking advice, cool muna po tayo. Dahil itong puntong ito, pwede pa pong sagutin at hintayin po natin ang mga final report,” apela pa ni Roque.

Argyll Cyrus Geducos