Matapos ang makasaysayang pagsungkit ni Hidilyn Diaz ng unang gintong medalya ng Pilipinas mula sa Olympics makalipas ang 97 taon, hindi lamang mga papuri at pagbati ang bumuhos para sa gold medalist kundi pati na rin ang milyun-milyon incentives mula sa pamahalaan at mga pribadong sektor.

Kasabay naman nito, muli rin lumutang ang isyu hinggil sa P2.5 milyong incentives ni Olympics silver medalist Onyok Velasco.

Matatandaang winakasan ni Mansueto "Onyok" Velasco ang 64 taong tagtuyot ng Pilipinas sa medalya matapos niyang masungkit ang silver medal sa larangan ng boxing sa 1996 Atlanta Olympics.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Ngunit hindi inakala ni Onyok na ang inaasahan niyang P2.5 milyong cash incentives mula sa pamahalaan para sa pagkapanalo ay hanggang pangarap na lamang. Hanggang ngayon kasi hindi pa niya natatanggap ang P2.5 milyong incentives mula sa pamahalaan.

Taong 2016 nang inamin ni Onyok sa panayam sa kanya ng “Aksyon News5” ang kanyang pagkadismaya na hindi pa rin niya nakukuha ang ipinangako sa kanyang incentives.

"Kapag ka sinabi mo na bibigyan ka ng P2.5M, masaya ka. May mga picture taking tapos 'yun pala hanggang picture taking lang tapos wala naman pala," kuwento ni Onyok sa interview.

Sa ilalim ng RA 9064 o National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001, nakatakdang makatanggap ng P2.5M cash incentives ang mga olympic silver medalist tulad ni Onyok.

Gayunman, lumipas na ang maraming taon ay nananatiling napako ang incentives ng pamahalaan.

Ayon kay Onyok, ang natanggap lamang niya ay ang P20,000 mula sa dating Acting-Senate President Ernest Maceda, P750,000 mula sa Philippine Sports Commission, bahay, lupa, at sasakyan mula sa pribadong sektor.

"Kasi ipapasa pa sa Congress then sa Senate po. 'Yung time noon, nagpapalitan pa si Neptali Gonzales at si [Ernesto] Maceda po,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay Senator Sonny Angara sa naturang ulat, lumipas na ang panahon ng kanyang pagkapanalo bago maisabatas ang RA 9064 kung kaya'y kalahati na lamang ang matatanggap ni Onyok.

Dagdag pa ng senador, P500,000 na lamang ang utang ng gobyerno sa kanya ngunit lumipas na ang tatlong taong deadline para makuha ang cash incentives.

Makalipas ang ilang taon mula nang maiuwi ang silver medal, pinili ni Onyok na iwanan ang mundo ng boxing at sa halip ay pasukin ang industriya ng entertainment.

Sa isang interview kamakailan ng "Post Game" ng ABS-CBN News sports podcast, ibinahagi ni Filipino taekwondo icon Monsour del Rosario ang nagtulak kay Onyok para lisanin ang boxing.

Para kay Onyok, ayon kay del Rosario, mas malaki ang natatanggap niyang P20,000 sa bawat batok na kanyang natatamo sa mga palabas na ginaganapan niya. Mas mabubuhay, aniya, niya ang kanyang pamilya sa pag-aartista.

Ngayon, patuloy na namumuhay si Onyok sa Bago City, Negros Occidental.

Sa kanyang latest post sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Onyok na bakunado na siya laban sa COVID-19.

Tulad din ng marami, ay pinasok na rin ni Onyok ang mundo ng vlogging.

Screenshot mula sa kanyang Youtube Account

Sa ngayon, mayroon nang 34.3K subscribers ang YouTube account na "Jay and Onyok Velasco."

Angelo Sanchez