Ngayon ang ika-6 at huling SONA (State of the Nation Address) ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Itatampok niya ang mga nagawa o achievement ng kanyang administrasyon sa nakalipas na limang taon.

Kabilang sa mga ito ang pagpuksa sa illegal drugs, kurapsiyon, pagpapalakas sa ekonomiya ng Pilipinas, peace and order, at konstruksiyon ng mga imprastraktura gaya ng mga lansangan, tulay, paliparan at iba pa.

Samantala, marami ang nagtatanong kung sino ang uupong senador (Senate president) katabi ni PRRD sa paglalahad niya ng “Tunay na Kalagayan ng Bansa” sa Hulyo 26. Sa panig ng Kamara, tiyak na ang uupo ay si Speaker Lord Allan Velasco.

Sumulpot ang katanungang dahil sa pagbubunyag ni Sen. Panfilo Lacson na ilang sendor sa Majority bloc ang nagpaplano umano na palitan si Senate President Vicente Sotto III, ilang araw matapos ideklara ang intensiyon na tumakbo bilang vice president ni Lacson. Natural, magiging kalaban niya sa vice presidency si Mano Digong na nagpahayag na pinag-iisipan niyang mabuti kung itutuloy ang pagtakbo sa VP post.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayaw tukuyin ni Sen. Ping ang umano'y majority senador na nasa likod at nangunguna sa ouster plot, ngunit nagpahayag ng paniniwala na hindi makakukuha ng suporta sa 13 senador para maitumba si Sotto.

"Napag-alaman namin na ilang colleagues namin ang nagpapakalat ng isang signature campaign, o draft resolution, marahil ay upang ma-check kung sila'y may numero. Sa aking palagay, ang planong ito ay nag-fizzled na," ani Lacson.

Dagdag pa ni Lacson:“Nagsagawa kami ng sariling headcount, at kumpiyansa kami na hindi sila makakakuha ng 13 signatures." Sina Lacson at Sotto ay nagdeklara ng intensiyon na tumakbo sa presidential sa vice presidential posts sa 2022.

May posibilidad na makaharap ng Lacson-Sotto tandem sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at PRRD bilang pangulo at pangalawang pangulo, ayon sa pagkakasunod. Gayuman, parang ayaw ni Inday Sara na makatambal ang ama sakaling siya ay kumandidato. Gusto naman ng Pangulo na ang makatambal ay ang matapat na aide, si Sen. Christopher "Bong" Go.

Samantala, may lumulutang ding tambalang Bongbong Marcos-Rodrigo Duterte (Marcos-Duterte). Meron ding Pacquiao-Isko Moreno at Robredo-Trillanes.

Talagang political season na at maraming kandidato ang pumupustura. Mga kababayan, sana'y maging matalino, matapat at para sa bayan ang gagawin nating pagboto.

Bert de Guzman