Labing-siyam na Gilas Pilipinas cadets ang muling nag-report at pumasok sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna para sa isa muling bubble training upang paghandaan ang 2021 FIBA Asia Cup nitong Sabado ng hapon.

Kasama sa nasabing bilang at nagbabalik-aksyon sa Gilas siThirdy Ravena matapos manatili at maglaro sa Japan noong isang taon.

Huling naglaro ang 6-foot-3 na si Ravena para sa Gilas noon pang first window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers.

Nagbabalik din mula sa injuries na kanilang natamo bago magsimula at matapos ang Asia Cup Qualifiers at maging ang Olympic Qualifying Tournament sa Belgrade sina Matt Nieto, Allyn Bulanadi, Rey Suerte, Dave Ildefonso, Kemark Carino at Tzaddy Rangel.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kasama nilang pinabalik sina Angelo Kouame, Carl Tamayo, Isaac Go, Dwight Ramos, Geo Chiu, Jaydee Tungcab, Jordan Heading, Justine Baltazar, Mike Nieto, RJ Abarrientos, SJ Belangel at William Navarro.

Pumasok na rin sa bubble ang kanilang mga coaches na sina Tab Baldwin, Jong Uichico, Boyet Fernandez, Sandro Soriano at Dex Aseron.

Nakatakdang ganapin ang Asia Cup sa Agosto 17-29, gayunman, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang katiyakan kung itutuloy ito o ipagpapaliban dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansang Indonesia kung saan ito nakatakdang idaos.

Sa kabila nito, gusto naman ni Baldwin na makatiyak na nakahanda ang kanyang koponan.

“I think people need to understand that the Asia Cup is extremely important because right now. With the SEA Games cancelled, this tournament is the last dress rehearsal for the World Cup Qualifiers,” paliwanag pa ni Baldwin.

Marivic Awitan