Inihayag ng Department of Energy (DOE) na umabot na sa 54 gasoline stations ang napag-alamang nanamantala umano sa pagpapataw ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Unang Hirit kay DOE Sec. Sharon Garin nitong Lunes, Marso 9, 2026, iginiit niya ang nakaambang tuluyang pagpapasara para sa mga napabilang na gasolinahang nananamantala.
"Ang masama ay mga nag-hoard o may ibang gasolinahan na naghihintay ng akyat presyo at ayaw magbenta. So 'yan po yung mga kakasuhan natin at ipapasara po ng DOE. Alam ninyo po hindi na makatarungan ang ginagawa nila, perwisyo sa bayan o sa mga kababayan natin," ani Garin.
Dagdag pa niya, "Actually sa ngayon ay mga 54 na ang mga kakasuhan namin na gasolinahan. So dumadami't dumadami pa 'yan."
Kaugnay nito, ipinaliwanag din ni Garin ang dahilan ng pagsipa ng presyo ng mga gasolina, sa kabila ng pagkakaroon umano ng stocks ng bawat oil company.
"May stock naman ang mga gas stations. Ang presyo bakit nagmamahal siya? Mahal ang replacement cost n'ya. Pero hindi pa sila bumibili last week," anang DOE Secretary.
Matatandaang nitong Lunes din nang sampolan ng DOE ang isang gasolinahan sa Pasig City bunsod pa rin ng overprice na presyo ng mga krudo at gasolina.
“May mga report po sa atin, March 6 saka March 7, hindi sila sumunod sa mga utos na 'to. Kaya dapat magpaliwanag sila within 24 hours,” anang DOE nitong Lunes, Marso 9.
Dagdag pa nila, “The establishment failed to comply with the advisory dated March 6, 2026, issued by the Department of Energy in compliance with fuel pricing and loading policies.”
KAUGNAY NA BALITA: Gasolinahan sa Pasig na nagtaas ng 54% sa presyo ng petrolyo, buminggo sa DOE!