Napasakamay ng awtoridad ang magkapatid na miyembro ng Abu Sayyaf Group na itinuturong responsable sa pagdukot sa dalawang Canadian, isang Norwegian national at isang Pilipina sa Samal Island noong 2014, makaraang maaresto ang mga suspek sa Taguig City.

Ipinrisinta sa media nina National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj General Vicente Danao Jr at Southern Police District (SPD) chief Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Taupij Galbun, alyas “Pa Wahid,” 40 , may asawa, construction worker, at residente sa Block 124, Lot 9, Phase 8, Sitio Imelda, Upper Bicutan, Taguig City at Saik Galbun, alyas “Pa Tanda,” 42, ng naturang lugar.

Sa ulat, nadakip ang dalawang ASG member ng pinagsanib na puwersa ng SPD DID, DSOU, SWAT, Taguig City Police, RID-NCRPO at JTF-N nitong Sabado (Hulyo 10) dakong 10:50 ng gabi sa Block 124, Lot 9, Phase 8, Sitio Imelda, Upper Bicutan sa nasabing lungsod.

Inaresto ang dalawa sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong 6 counts ng Kidnapping at Serious Illegal Detention with Ransom.

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

Si alias Pa Wahid ay kabilang sa grupo nima Isnilon Hapilon at Bakal Hapilon at nagsilbing outer guard sa kidnap victim sa Sulu at Basilan.

Kabilang si Pa Wahid sa grupo na responsable sa pamumugot ng ulo nina Primitivo Falcansantos, Crisanto Suela at ang Amerikanong Guillermo Sobero habang kasama rin siya sa dumukot sa tatlong mga guro sa Zamboanga City.

Si Taupik Galbun naman ay kabilang sa ASG na dumukot sa anim na miyembro ng Jehovah’s Witness noong August 20, 2002 sa Patikul, Sulu noong Agosto 20,2002.

Sinabi ng NCRPO chief na natunton ang dalawa sa tulong ng mga impormasyon na ibinigay ng mga tao sa komunidad.

Lumilitaw na halos isang taon nang naglalagi sa Metro Manila ang dalawa at namamasukan bilang security guard at construction worker.

Bella Gamotea