Sa mistulang pag-alma ng pamunuan ng Philippine Hospital Association (PHA) sa sinasabing pagkabigo ng Philhealth na mabayaran ang mga obligasyon nito sa naturang organisasyon ng mga pagamutan, bigla kong naitanong: Sino kaya ang dapat managot -- PHA o Philhealth? Nangangahulugan na isa sa kanila -- o pareho sila -- angmaypagkukulang at dapat sisihin.
Isinasaad sa mga ulat na ang PHA aymaysingilin sa naturang ahensiya ng gobyerno na marapat namang mabayaran upang hindi magambala ang operasyon ng mga ospital. Ang nasabing singilin ay maaring kabayaran sa mga nagastos ng mga pasyente na talaga namang umasa lamang sa mga benepisyo mula sa Philhealth. Lubhang kailangan ng PHA ang malaki-laki rin namang pondo para sa kani-kanilang mga doktor, narses at iba pang medical staff; hindi sila makapagdagdag ng mga tauhan, bagkus ay nababawasan pa dahil sa kakulangan ng mahahalagang pangangailangan.
Gusto kong maniwala na ang paniningil ng PHA sa Philhealth ay hindi ipinagwalang-bahala ng bagong pamunuan ng naturang tanggapan ng pamahalaan. Determinado ito upang linisin sa mga alingasngas ang isang ahensiya na ginigiyagis ng umano'y katakut-takot na katiwalian na sinasabing kamuntik nang sumaid sa bilyun-bilyong pananalapi ng Philhealth.Maymga haka-haka na nagkaroon ng sabuwatan ang mismong pamunuan nito at ng mga ospital -- lalo na ang Private Hospital Association of the Philippines (PHAP). Hindi ba naging instrumento ng sinasabing pangungulimbat ng pondo ng bayan ang masalimuot at nakapagdududang interim reimbursement mechanism(IRM)?
Ito marahil ang dahilan kung bakit pinagbitiw ang matataas na opisyal ng Philhealth na umano'y kasangkot sa ibinunyag na anomalya kasunod ng paghirang ni Pangulong Duterte kay Ex-NBI Director Dante Gierran bilang bagong Pangulo ng nabanggit na ahensiya. Kaakibat ito ng pagtitiwala sa kanya ng Pangulo na malilipol ang mga tiwali sa nasabing tanggapan at paglalatag ng mga patakaran na magiging katanggap-tanggap hindi lamang sa mga PHA at PHAP kundi maging sa mismong mga mamayang Pilipino -- lalo na sa mga pasyente na umaasa sa mga benepisyo na ipinagkakaloob ng Philhealth. Walang alinlangan na ito ay magagampanan ni Gierran, lalo na nga kung isasaalang-alang na siya ay hindi lamang isang abogado kundi isa pang Certified Publlc Accountant (CPA). Gayunman, dapat maliwanagan ang sinasabing mabagal na pagbabayad ng Philhealth sa mga obligasyon nito sa mga ospital: Dahil sa pandemya, mangilan-ngilan lamang ang mga pumapasok na mga empleado. Ibig sabihin, walang mag-aasikaso sa reimbursement sa nagastos ng mga ospital, isang bagay na tila mahirap paniwalaan.
Sa panahon ng kagipitan o sa alinmang pagkakataon, hindi dapat sumulpot ang mistulang hidwaan ng Philhealth at organisasyon ng mga ospital, lalo na kung iyon ay tungkol sa lehitimong mga bayarin. Hindi maililihim ang malaking tulong ng gobyerno sa mga pagamutan at sa mismong taumbayan. Hindi dapat sumulpot ang gayong mga hidwaan o hindi pagkakaunawaan alang-alang sa mga pasyente na talaga namang nagpapasaklolo sa Philhealth.