Ang proklamasyon ni Presidente Duterte hinggil sa pagpapairal ng national state of emergency sa buong kapuluan ay mistulang ipinagkibit-balikat ng ilang sektor ng ating mga kababayan; at kagyat na lumutang ang katanungan: Bakit ngayon lamang? Marahil, masyado nilang kinainipan ang naturang presidential action na lulutas hindi lamang sa mga problema na gumigiyagis sa sambayanan kundi, higit sa lahat, sa pananalanta ng African Swine Fever (ASF) na mistulang lumumpo sa P250-billion hog industry. Isipin na lamang na ang naturang salot sa mga babuyan ay nagsimulang manalasa noon pang 2019.
Gayunman, naniniwala ako na ang nabanggit na Presidential Proclamation, bagama't ngayon lamang pinausad, ay makatutulong sa epektibong pansagip sa nanlulupaypay na mga hog raisers, laluna ang mga backyard swine raisers na sinasabing pinanggagallingan ng malaking kantidad ng mga karneng baboy na ibinebenta sa mga pamilihan. Magugunita na ang mga alagang baboy ay masyadong pininsala ng ASF; kinailangang katayin at ilibing ang naturang mga alagang hayop na dinapuan ng nasabng sakit upang maiwasan ang pagkakahawahan.
Ngayon, wala nang sagabal upang makapaglaan ng malaking pondo ang gobyerno upang tustusan ang rehabilitasyon ng hog industry na pininsala ng ASF. Hindi na dapat magpaumat-umat pa ang kinauukulang mga ahensiya sa pangunguna ng Department of Agriculture (DA), upang pabilisin ang implementasyon ng repopulation program. Sa pamamagitan ng naturang programa, hindi lamang halos dodoblehin ang bayad sa mga namatay na baboy dahil sa ASF, kundi mamahagi pa ang gobyerno ng mga biik upang mapunan ang mga pagkukulang sa mga babuyan sa buong bansa. Sa gayon, inaasahan na magkakaroon na ng sapat na pork supply sa mga pamilihan at maiiwasan ang sobrang pagpapataas ng presyo ng nasabing produkto.
Nakalulungkot na gunitain na dahil nga sa pamiminsala ng ASF, lumutang ang sinasabing mga sindikato na nagsabuwatan sa paglikha ng artificial pork shortage. Sinasabing kagagawan ito ng ilang sektor na umano'y sinadyang tumigil sa pagkatay ng mga baboy na mula sa lugar na itinuturing sa ASF-free. Sa gayon, mapatataas ng ilang negosyante ang presyo ng naturang produkto para sa kanilang kapakinabangan.
Ito marahil ang dahilan kung bakit ipinasiya ng gobyerno ang pag-angkat ng mga pork meat upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan sa murang halagang karneng baboy. Ang masalimuot na problemang ito ang natitiyak kong malulunasan sa pamamagitan ng implemantasyon ng bagong utos ng Pangulo, na mistulang pagtitindig sa pagkakahilahod ng mga babuyan.