ni CELO LAGMAY
Walang kagatul-gatol na tiniyak ng Commission on Election(Comelec) ang pagdaraos ng 2022 national polls sa kabila ng walang humpay na pananalasa ng nakamamatay na coronavirus. Kaakibat ito ng pag-usad ng rehistrasyon ng mga bago at dating botante, kabilang na ang napipintong paghahain ng kandidatura ng mga naghahangad pumalaot sa pulitika sa naturang halalan.
Totoo na may pagkakataon na naipagpapaliban ang nakatakdang eleksiyon kung may mabigat na dahilan, tulad marahil ng malagim ma karahasan na naganap sa isang presinto; kung may panununog o nakawan ng mga balota. Subalit, tulad ng binanggit ng Comelec, hindi dahilan ang pandemya upang ipagpaliban ang nakatakdang halalan. Ibig sabihin, hindi mahahadlangan ng kahit na anong salot ang paggamit ng karapatan ng mga mamamayan sa pagpili ng mga nais nilang maging lider.
Higit na nakararaming sektor ng sambayanan, sa katunayan, ang tumututol sa pagpapaliban ng nakatakdang halalan, kabilang na rito ang marami ring pulitiko na naghahangad maglingkod nang matapat sa bayan. Dapat lamang asahan na ipaglalaban ng sambayanan ang matitinong lider na gumanap ng makabuluhang misyon sa mga kaunlarang pangkabuhayan ng bansa at ng mismong mga mamamayan; lalo na ang mga tungkulin hinggil sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan, kabilang na ang pagpuksa sa iba't ibang bisyo, lalo na ang illegal drugs.
Naniniwala ako na mahigpit na itataguyod ng mga lingkod ng bayan na mamuno sa paglipol ng mga katiwalian sa gobyerno, lalo na ang pangangalaga sa mga buwis na ibinayad ng ating mga kababayan. Higit sa lahat, nais nila ang mga lider na mangangalaga sa kanilang mga karapatan na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.
Sa kabilang dako, bagama't halos imposible nang maganap, ang pagpapaliban ng halalan ay natitiyak kong ipagdiriwang ng mga pulitiko na masyado nang nagpasasa sa puwesto. Lalo na ng ilang nahirati na sa pagsasamantala sa tungkulin, sa pangungulimbat ng limpak-limpak na salapi na hindi nila pinagpaguran; patuloy silang nangungunyapit sa puwesto at tila walang planong tuldukan ang sistema ng kanilang pamamalakad na matagal nang isinusuka, wika nga, ng taumbayan.
Totoo na hindi mahahadlangan ng pandemya ang nakatakdang eleksiyon. At lalong totoo na hindi mahahadlangan ng anumang balakid ang matatag na determinasyon ng sambayanan na pumili ng huwarang mga lingkod ng bayan -- at sa pagtatakwil ng mga pulitiko na palalo at pabigat sa isang maayos at malinis na halalan.