ni MARY ANN SANTIAGO

Bumaba pa sa 0.93 ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR), kasunod nang pagpapatupad ng pamahalaan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa rehiyon at mga kalapit pa nitong lalawigan mula Marso 29 hanggang Abril 11.

Sa latest monitoring report ng OCTA Research Group nitong Linggo, iniulat nito na ang reproduction number, o ang bilang ng mga taong nahahawa ng isang COVID-19 patient, ay bumaba sa 0.93 mula Abril 18 hanggang 24, mula sa dating 0.99 na iniulat ng OCTA noong Abril 22.

Kasunod nito, natuklasan rin ng naturang independent research team na ang one week growth rate ng bagong COVID-19 cases sa NCR ay umabot ng -20%.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Bumaba na rin ang kasalukuyang daily average ng sakit sa 3,841 nitong nakalipas na linggo, mula sa dating 5,552 noong panahon ng surge ng mga bagong impeksiyon, na naiulat may tatlong linggo na ang nakakaraan.

Anang OCTA, ito ay nagpapakita ng malinaw na ‘downward trajectory’ ng mga bagong COVID-19 cases sa Metro Manila.

Samantala, ang positivity rate naman sa Metro Manila ay bumaba ng 19% na may average na 26,120 sa nakalipas na linggo mula sa dating 25% na naitala may tatlong linggo na ang nakakaraan.

Batay sa datos ng DOH, hanggang nitong Sabado ng hapon, umaabot na sa kabuuang 989,380 ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa naturang bilang, 89,485 pa ang aktibong kaso, 883,221 ang gumaling na at 16,674 naman ang sinawimpalad na bawian ng buhay.