ni CELO LAGMAY
Hindi ako magtataka kung bakit higit nakararaming kababayan natin ang laging nananangan sa pinaniniwalaan kong makapangyarihang sandata sa matinding banta ng coronavirus: Ibayong pag-iingat at taimtim na pagdarasal. Ang naturang sandata ay panlaban hindi lamang sa nakamamatay na COVID-19 kundi maging sa iba pang karamdaman, kapahamakan at panganib na sinusuong natin sa panahong ito ng pandemya; umaasa tayo sa pamamatnubay ng Dakilang Manlilikha.
Ang labis kong ipinagtataka ay ang katotohanan na ang ilang sektor ng ating mga kapanalig, kapamilya, kapatid at kasamahan na hindi kumikilala sa kapangyarihan at himala ng mga panalangin ay sinasabing nangungunyapit na ngayon sa nabanggit na sandata laban sa mga sakit. Marahil, nagising sila sa katotohanan na ang ibayong pag-iingat na kaakibat ng matapat na pagtalima sa mahihigpit na health protocol at ang maalab na panalangin ang magliligtas sa kanila sa pananalasa ng mapanganib na mikrobyo. Milyun-milyon nang mamamayan ang tinamaan ng coronavirus -- bukod pa sa libu-libong nakitil ang buhay -- sa iba't bang panig ng daigdig.
Bigla kong naalala ang isang kapatid sa pamamahayag na hindi lihim ang pagiging isang ateista o atheist -- isang taong hindi kailanman naniniwala na may Diyos. Sa katunayan, kabilang siya sa mga nagtataguyod ng isang organisasyon na walang ipinaglalaban kundi isang ideolohiyang walang Diyos o godless ideology. Sa kabila nito, lakas-loob ko siyang niregaluhan ng Bibliya; nagpasalamat siya subalit siya mismo ang nagsabi na kahit minsan ay hindi binuklat ang naturang banal na aklat na kinapapalooban ng mga aral ng Maykapal.
Sa mismo naming pag-uusap sa pamamagitan ng cellphne, walang kagatul-gatol niyang inamin na sa pananalanta ng pandemya, umuusal siya ng kahit putol-putol na dasal -- isang malaking pagtalikod sa matibay niyang simulain bilang isang ateista. Ngayon siya marahil naniniwala na walang imposible sa Panginoon, lalo na kung pag-uusapan ang hindi humuhupang banta ng nakahahawang mikrobyo.
Naiiba naman ang pananaw ng isa ring kapuwa media practitioner na may maalab na pananalig sa kapangyarihan ng mga panalangin. Nais niyang pahintulutan ng kinauukulang mga awtoridad ang nakagawiang pagmimisa sa mga simbahan -- at maging sa mga religious gathering ng iba't ibang kapilya ng pananampalataya.
Natauhan siya nang ipamukha ko sa kanya na 10 porsyento lamang ang pinapayagang pumasok sa mga simbahang Katoliko. Katunayan, ang halos lahat ng kapilya ng iba't ibang sekta ng relihiyon ay nananatiling sarado dahil nga sa umiiral na pandemya at lockdown.
Sa harap ng ganitong situwasyon, tayong lahat -- kahit na anong sekta ng pananampalataya ang ating kinaaaniban -- ay marapat na manatili na lamang na nag-iingat at nagdarasal sa ating mga tahanan; naniniwala ako na ang ating maalab na dasal ay didinggin din ng langit, wika nga.