Ni CELO LAGMAY

DAHIL sa napipintong Tokyo Olympic na nakatakdang idaos sa Japan sa Hulyo ng taong kasalukuyan, walang dapat na maging balakid sa pagsasanay ng mga atleta na inaasahan na makasusungkit ng mga medalya sa iba't ibang larangan ng palakasan o sports. Maging ang matindi, at patuloy pang tumitinding banta ng nakakikilabot na coronavirus ay hindi dapat na maging hadlang sa ating adhikaing humakot, wika nga, ng bronze, silver at gold medals sa naturang olympiada basta lagi lamang nating isasaisip at isasapuso ang mahihigpit na health protocol laban sa pandemya -- sa COVID-19.

Maging sa ating pakikidigma laban sa nasabing mikrobyo ay marapat din nating magwagi ng medalyang ginto. Subalit isa itong karangalan o gold medal na magiging sagisag sa ating tagumpay sa pag-iwas at pagsugpo sa paglaganap ng kamandag ng coronavirus na dumapo sa libu-libo nating mga kababayan at ikinamatay ng maraming iba pa.

Napag-alaman ko na puspusan ngayon ang pagsisikap ng ating Philippine Olympic Committee (POC) -- kabilang na marahil ang iba't ibang sports organization sa ating bansa -- sa paghasa, wika nga, sa mga estratehiya ng ating mga manlalaro bago sila isabak sa pandaigdigang sports competition. Dalawa sa ating pambatong atleta -- sina Carlos Yulo at Hidilyn Diaz, halimbawa -- ang sinasabing nagsasanay ngayon sa iba't ibang bansa. Si Yulo ang sasabak sa gymnastics samantala si Diaz ang lalaban sa weightlifting. Sila ay kapuwa nagpamalas na ng kahusayan sa nakaraang mga sports competition; at humakot na rin ng mga medalya.

Naniniwala ako na ang mga haligi ng sports, kung sabagay, ay nagpamalas na rin ng mga pagsisikap at pagsasanay at paghahanda ng ating mga atleta na inilahok sa mga world at regional sports fest. Bunga nito, katakut-takot na mga medalya ang nasungkt ng ating mga manlalaro sa iba't ibang paligsahan. Nagpupugay ang ating mga kababayan kay Paeng Nepomuceno, halimbawa, na pumaimbulog ang pangalan sa larangan ng bowling; halos hindi mabilang ang nasungkit niyang medalyang ginto na naging dahilan upang siya ay tanghaling Hall of Famer sa naturang larangan ng palakasan.

Maihahanay rin ang hinahangaan nating mga atleta na nag-akyat ng karangalan sa ating bansa, tulad nina Elma Muros, Lydia de Vega-Mercado, Mansueto 'Onyok' Velasco Jr, Michael Christian Martinez at marami pang iba na nagbigay ng karangalan sa atin upang ang Pilipinas ay maitanghal sa World Map of Sports.

Subalit hindi ito dahilan upang tayo ay maghalukipkip, wika nga, sa pagtuklas ng tinatawag na potential medalist sa larangan ng palakasan. Ang paglalatag ng mga estratehiya sa paghahanap ng mahuhusay na atleta hanggang sa grassroots level ay epektibo sa lahat ng pagkakataon. Nasa mga kanayunan ang itinuturing na mga crown jewels sa palakasan o sports.

Sa nalalapit na Tokyo Olympic, hindi marahil isang kalabisang ipaalala sa mga kinauukulang sports leaders na iwasan maulit ang nakaraang mga alegasyon hinggil sa mga alingasngas sa pagpapadala ng delegasyon sa mga olympiada na nagiging balakid sa pagsungkit ng mga medalya.