ni Mary Ann Santiago
Matapos ang dalawang magkasunod na buwan nang pagpapatupad ng tapyas sa singil sa kuryente, magpapatupad naman ang Manila Electric Company (Meralco) ng walong sentimo kada kilowatt hour (kwh) na dagdag-singil sa kuryente ngayong Abril.
Sa isang paabiso, sinabi ng Meralco na ang dagdag-singil ay dahil sa pagmahal ng kuryente sa spot market na nagresulta sa mas tumaas na generation charge, lalo na at nakakaranas ng mainit na panahon ang Luzon.
Ayon sa Meralco, magtataas sila ng kanilang household rate ng P0.0872/kWh, kaya’t aabot na ang overall rate para sa buwan ng Abril ng P8.4067/kWh mula sa dating P8.3195/kWh noong Marso.
Ang naturang power rate hike ay katumbas ng P17 na dagdag sa bayarin sa total bill ng residential customers na nakakakonsumo ng 200 kWh kada buwan; P26 naman sa mga nakakagamit ng 300 kwh kada buwan; P35 sa mga nakakagamit ng 400 kwh kada buwan at P44 naman sa mga nakakakonsumo ng 500 kwh kada buwan.
Sa kabila naman nito, sinabi ng Meralco na ang overall rate ngayong Abril na nasa P8.5884/kWh ay mas mababa pa rin kumpara noong nakaraang taon na nasa P8.9951/kWh.
“This month’s rate also still includes the Energy Regulatory Commission (ERC)-approved adjustments for pass-through over/under-recoveries for the period January 2017 to December 2019,” anang Meralco.
Nabatid na mas malaki pa dapat ang dagdag sa singil ng kuryente kung di bumaba ang presyo ng kuryente galing sa ibang supplier.